
MULING NAGAPI ang De La Salle University (DLSU) Green and Lady Shuttlers ng men’s defending champion National University (NU) Men’s Badminton Varsity Team, 2–3, at women’s defending champion na University of the Philippines (UP) Women’s Badminton Varsity Team, 2–3, sa ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Collegiate Badminton Tournament sa Rizal Memorial Coliseum Badminton Hall kahapon, Oktubre 12.
Pagkasilaw sa asul at gintong raketa
Bumungad ang malamig na umpisa para kay Green Shuttler Miguel Cuarte bunsod ng maagang pananalasa ni two-time Most Valuable Player (MVP) Lanz Zafra, 9–21. Nakipagsabayan pa ng depensa si Cuarte sa mabibigat na opensa ni Zafra, subalit hindi ito naging sapat upang ibalik ang centerline smash ni Zafra na nagsara sa tapatan, 15–21.
Determinadong umukit ng ibang kapalaran, itinarak ni Green Shuttler Lovic Javier ang bagsik ng kaniyang raketa sa kapwa kaliweteng si MJ Perez ng NU sa unang set, 22–20. Nabawi ni Perez ang ikalawang set, 19–21, bago tuluyang pinatid ni Javier ang kaniyang momentum sa huling set at sinelyuhan ang panalo sa bisa ng matalim na backhand net shot, 21–6.
Sumalang ang Taft-based duo nina Gift Linaban at Yuan Tan tangan ang mga agresibong kumpas na hindi naman umubra sa kalmadong placement nina NU player John Gam at James Villarante, 11–21. Sumiklab pa ang opensa ni Tan upang buhayin ang pag-asa ng Taft sa ikalawang set, 21–18, ngunit agad bumuwelta ang NU duo at tuluyang sinikwat ang bentahe, 12–21.
Sa kabilang banda, maagang napundi ang dilaab ng luntiang tambalang Javier at Cuarte kontra NU players Zafra at Perez sa ikalawang doubles match na naging hitik sa mabibilis na palitan, 13–21, 14–21.
Sa kabila ng natintang maagang tagumpay ng Bulldogs, 1–3, patuloy na kinaharap ni Linaban ang kasasalang pa lamang na si Benjamin Dictado ng NU sa huling singles match, 18–21. Nagpumiglas naman si Linaban at pinalobo ang talaan upang isara ang dalawang magkasunod na set, 21–17, 21–13, at tapyasin ang kalamangan ng Jhocson mainstays sa isang puntos, 2–3.
Pagtatangkang tugisin ang bagong kapalaran
Sariwang hamon ang hinarap ng Lady Shuttlers nang pangunahan ni Team Captain Ghiselle Bautista ang pagsikwat sa unang set kontra sa reigning MVP mula Diliman na si Anthea Gonzales, 22–20. Ngunit, nagbago ang ihip ng hangin sa pagragasa ng mga atake ni Gonzales, 2–21, hanggang tuluyang mawalan ng buwelo ang pambato ng Berde at Puti at mabigo sa huling set, 10–21.
Nanatiling malamlam ang bugso para sa DLSU nang karnehin ni Diliman-based player Brys Fuggan si Lady Shuttler Kim Lagare sa ikalawang duwelo, 9–21, 15–21.
Nagpatuloy ang kupas ng dilaab ng Taft mainstays sa unang doubles match nina Army Espe at Mia Manguilimotan kontra sa tambalan nina UP Team Captain Kimberly Lao at Gonzales na umasinta sa centerline para ibulsa ang unang set, 15–21. Ipinamalas pa ng Lady Shuttlers ang determinasyong bumangon, ngunit tuluyang nasupil ang hanay matapos samantalahin ng UP ang kanilang nayanig na depensa, 27–29.
Muling umarangkada si Bautista kasama si Viana Antonio upang pundihin ang alab ng mga taga-Diliman sa kanilang sagupaan kontra Krissa De Leon at Anoushei Dela Cruz, 21–16. Bumawi naman ang mga Iska sa dikit na ikalawang set, 22–24, hanggang tuluyang masulot ng Taft-based duo ang panalo sa bisa ng pagtudla ni Antonio sa dulo ng set, 21–16.
Sariwa sa patikim na tagumpay, sumalang si Lady Shuttler Lady Tuario tangan ang hangaring tumudla ng kaparehong kapalaran sa huling singles match kontra Susmita Ramos. Nabitin man sa unang set, 13–21, ngunit bumangon si Tuario sa kabila ng sunod-sunod na long shot ng kalaban, 21–14, hanggang sa maisalansan niya ang kalamangan sa deciding set at ibulsa ang ikalawang panalo ng Taft mainstays, 21–16.
Bagamat nananatiling uhaw sa tagumpay ang Green at Lady Shuttlers sa pagsasara ng dalawang unang araw ng torneo, tatangkain nilang basagin ang talaan kontra UP Men’s Badminton Varsity Team at NU Women’s Badminton Varsity Team sa parehong lugar sa ika-8:00 n.u. at ika-1:00 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 15.