Green at Lady Woodpushers, umariba sa pagsisimula ng ikalawang yugto ng UAAP

Kuha nina Xavier Quinto at Jean Villano

BUMUWELTA ng panalo ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Woodpushers kontra sa hanay ng Adamson University Men’s Chess Team, 3.0–1.0, at University of the Philippines (UP) Women’s Varsity Chess Team, 3.0–1.0, sa kanilang pagsalubong sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Collegiate Chess Tournament sa Adamson University Gym kahapon, Oktubre 11. 

Sibol ng pag-asa

Ibinalandra ni DLSU prized rookie Rigil Pahamtang ang Benko Gambit Declined: Main Line kontra Adamson player Dustin Herrero sa ikatlong board kaakibat ng pagkain ng kaniyang obispo sa rook sa e1 sa ika-28 galaw upang pasukuin ang katunggali sa loob ng 39 na galaw, 1.0–0.0.

Nagpamalas naman si Green Woodpusher JL Valencia ng Queen’s Pawn Opening: Accelerated London, Steinitz Countergambit kontra kay San Marcelino-based player Vince Arellano sa ikaapat na board upang angkinin ng taga-Taft ang bentahe sa piyesa sa bisa ng rook capture sa presensiya knight sa c6 sa ika-22 galaw, na nagpainam ng kaniyang puwesto hanggang sa pagtatapos ng laban sa ika-36 na galaw, 2.0–0.0. 

Sinalubong ni Kapitan Cyril Telesforo ang sandatahang pinamunuan ni San Marcelino mainstay Robert Palisoc sa ikalawang board sa bisa ng Trompowsky Attack: Classical, Big Center Variation, ngunit nagkasundo ang dalawang kaharian na itabla ang laban bunsod ng estadong kinahinatnan ng magkabilang panig sa ika-40 galaw, 2.5–0.5. 

London System naman ang naging daloy ng bangaan nina DLSU sophomore Tenshi Biete kontra taga-San Marcelino na si Joshua Roque, na naging daan upang isilid ng manunudla ang kaniyang unang board point nang matapos sa tabla ang kanilang duwelo sa 80 move, 3.0–1.0.

Marka ng dominasyon

Hinarap ni DLSU Team Captain Francois Magpily sa unang board si UP Player Raiza Locmayoan at sinimulan ang laban gamit ang Modern Defense.

Ibinida ni Magpily ang pagkuha ng bentahe sa piyesa at posisyon matapos pabagsakin ang reyna ng katunggali sa d5 gamit ang rook sa ika-25 galaw, subalit nabigo siyang ikumpas ang mate in one sa ika-27 galaw at nauwi sa draw, 0.5–all. 

Gitgitang sagupaan naman ang bumungad sa duwelo nina DLSU rookie Heart Padilla at UP player Maryss Caldoza hatid ang Queen’s Pawn opening nang magpalitan ng piyesa sa simula, ngunit matapos ang ilang pagtatangkang i-check ang isa’t isa, natapos ang kanilang salpukan sa isa pang tabla, 1.0–all.

Nagresulta sa Queen’s Pawn Opening: Zukertort, Chigorin Variation ang salpukan nina Taft-based player Checy Telesforo at Diliman mainstay Margaret Aranzaso sa ikaapat na board kung saan ipinamalas ni Telesforo ang dominasyon ng kaniyang reyna simula sa ika-40 galaw upang pasukuin ang katapat, 2.0–1.0.

Nagpasiklab ng French Defense: Advance, Extended Bishop Swap Variation si Lady Woodpusher Rinoa Sadey kontra Adamson player Janice Monsales bago napabayaan ang kaniyang bentahe sa kalagitnaan ng laro, ngunit nagawa niyang bumalik sa tamang landas sa ika-58 galaw upang pasukuin ang katapat, 3.0–1.0. 

Gabay sa muling pagsabak

Bunsod ng tagumpay ng dalawang koponan, kinomenda ni DLSU Head Coach Randy Segarra ang pagsusumikap ng bawat isa sa kanilang mga board. 

Gayunpaman, ibinahagi ng tagapagsanay sa Ang Pahayagang Plaridel ang mga paalalang ibinilin niya sa pag-usad ng kaniyang koponan sa torneo. Aniya, “Sinabihan ko sila na mag-ingat din, and improve ‘yung hirap [namin] sa time management [kahit] lamang kami.”