
PUMIRMI sa ikalawang puwesto ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos araruhin ng hinirang na back-to-back champions Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 15–25, 22–25, 23–25, sa pagwawakas ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Playtime FilOil Centre, Oktubre 10.
Umukit si opposite hitter Rui Ventura ng team-high 13 puntos mula sa 12 atake at isang block upang pangunahan ang Berde at Puting hanay.
Samantala, naglista naman si Finals Most Valuable Player (MVP) Zhydryx Saavedra ng 14 na puntos, bitbit ang 11 atake at tatlong alas.
Mabilisang pananalasa ang inilatag ng Morayta mainstays sa pagbubukas ng unang yugto sa pangunguna ni Saavedra, 3–11, na tinangkang tapatan ni open hitter Eugene Gloria matapos maghulog sa butas na depensa ng Tamaraws, 11–19, subalit nagpakawala ng umaatikabong crosscourt hit si FEU sophomore Mikko Espartero, 15–25.
Nagpatuloy ang pagdaluyong ng Tamaraws pagdako ng ikalawang yugto nang magpaliyab ng 5–0 run mula sa gitna si Lirick Mendoza, 4–9, na sinabayan ni Taft mainstay Issa Ousseni nang tipakin ang hampas ni FEU open hitter Amet Bituin, 16–18, ngunit kinapos ang pag-arangkada ng Green Spikers bunsod ng lumobong hampas ni Ventura, 22–25.
Pinihit pa ni Ventura ang direksiyon ng bakbakan tungong Taft upang ibalandra ang pinakamalaki nilang kalamangan sa bakbakan, 15–10, ngunit nanumbalik ang momentum sa FEU nang umukit ng crucial error si middle blocker Eric Layug, 18–all, bago tuluyang tuldukan ni Morayta-based hitter Amet Bituin ang bakbakan at panatilihin ang korona sa Morayta, 23–25.
“Rebuilding team kami. Experience siguro [ang pagkukulang namin]. But, ‘yon nga, malayo na ‘yung narating namin as a rebuilding team [kaya] sobrang proud ako sa team namin,” pagbabahagi ni Kapitan JJ Rodriguez sa Ang Pahayagang Plaridel matapos ang kanilang kampanya sa naturang torneo.
Bunsod ng pagkadapa, nananatiling bilanggo sa ikalawang puwesto ang Taft-based squad sa ikalawang sunod na taon.