Issa pa!: Green Spikers, napuruhan sa pag-araro ng Tamaraws

Kuha ni Josh Velasco

LUMAMLAM ang pagkakatanaw ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa kampeonato matapos suwagin ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 16–25, 17–25, 18–25, sa kanilang ikalawang engkuwentro sa best-of-three finals series ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Dasmariñas Arena, Oktubre 8.

Bagamat kinapos sa pagsikwat ng ginto, pinangunahan ni Best Middle Blocker Issa Ousseini ang opensa ng Green Spikers tangan ang 10 puntos mula sa pitong atake at tatlong block, habang nalimitahan naman sa tigpitong marka sina outside hitter Eugene Gloria at Most Valuable Player Chris Hernandez.

Sa kabilang panig, itinanghal na Player of the Game ang kapwa Best Middle Blocker na si Lirick Mendoza na nagtala ng 11 puntos bunsod ng pitong atake at apat na block. 

Kumumpas naman ng 19 na excellent set si playmaker Ariel Cacao na nagsakatuparan sa balanseng opensa ng FEU at pagpapaigting ng serye.

Pumundar ng maagang kalamangan si middle blocker Joshua Magalaman na inagapayan pa ng crosscourt hit ni Gloria upang ibigay ang bentahe sa Taft-based squad, 6–3, ngunit pumihit patungo sa mga taga-Morayta ang laro sa bisa ng matatag na pader ni FEU middle blocker Doula Ndongala, 16–25.

Hirap pa ring basagin ng Green Spikers ang itinatag na bakod ng FEU sa ikalawang yugto sa kabila ng tangkang pagsalba ni Ousseini, 10–15, hanggang sa hindi na nila nasalag ang quick hit ni Morayta-based player Mendoza na tuluyang nagsara sa naturang set, 17–25.

Nagpatuloy ang paghihikahos ng DLSU pagdako ng ikatlong set matapos warakin ni opposite hitter Zhydryx Saavedra ang nangangatal na tore ng Taft, 1–5, na tinangkang tapatan ni Taft mainstay Arjay Magallanes ng crosscourt hit, 11–15, subalit nagsalansan si Ndongala ng atake mula sa gitna upang paputlain ang tanglaw ng pag-asa sa hanay ng Green Spikers, 18–25.

Sukbit ang tablang talaan sa serye, 1–all, muling maghaharap ang dalawang luntiang koponan para sa winner-take-all Game 3 sa Playtime FilOil Centre sa ika-2:00 n.h. sa Biyernes, Oktubre 10.