
NILANSAG ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang kawan ng two-time defending champion Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 25–18, 25–22, 25–23, sa kanilang unang banggaan sa best-of-three finals series ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Playtime FilOil Centre kahapon, Oktubre 6.
Kinilala bilang Best Player of the Game si rookie playmaker Ezer Regidor matapos maglista ng 22 excellent set.
Umariba rin ng tig-12 puntos sina Green Spiker Eugene Gloria at Rui Ventura upang umagapay sa pagdaluhong ng Taft mainstays.
Sa kabilang panig, sumiklab naman si FEU opposite spiker Zhydryx Saavedra matapos maglimbag ng 15 puntos.
Agad na rumatsada ang Taft-based squad sa unang yugto nang bagbagin ni Chris Hernandez ang blockings ng Tamaraws, 11–8, na sinundan pa ng quick hit ni Kapitan JJ Rodriguez upang palawigin ang bentahe, 23–17, bago tuluyang sikwatin ni Issa Ousseini ang naturang set matapos bumulusok sa gitna, 25–18.
Samot-saring atake naman ang ibinida ng dalawang kaliweteng opposite hitter na sina Rui Ventura at Saavedra sa ikalawang set, 16–all, ngunit nag-iba ang direksiyon ng sagupaan nang ipasok si DLSU middle blocker Joshua Magalaman, 22–20, bago muling patingkarin ni Ousseini ang berdeng kulay ng Taft at wakasan ang sagutan, 25–22.
Dikdikan ang naging eksena sa huling yugto matapos magpalitan ng puntos ang dalawang kampo, 9–all, ngunit namayagpag ang tikas ni open hitter Hernandez matapos basagin ang matayog na depensa ng Nicanor Reyes–laden squad upang tuluyang selyuhan ang bakbakan, 25–23.
Ginawaran din ng parangal si Hernandez bilang Most Valuable Player (MVP) at Best Outside Spiker.
Samantala, kinilala rin sina Sherwin Retiro bilang Best Libero at Ousseini bilang Best Middle Blocker.
“Stay hungry, ‘yon lang ‘yung mantra ko”, pagbabahagi ni MVP Hernandez sa Ang Pahayagang Plaridel matapos pamunuan ang panalo kontra Morayta-based squad.
Tangan ang bentahe sa serye, muling makahaharap ng Taft-based squad ang mga taga-Morayta upang subukang makamkam ang kampeonato sa Dasmariñas Arena sa ika-4:00 n.h. bukas, Oktubre 8.