
IBINULSA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang tiket tungong pinal na yugto ng 2025 V-League Collegiate Challenge matapos tuldukan ang kampanya ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 22–25, 25–22, 25–19, 25–16, sa best-of-three semifinals series sa Ynares Center, Rizal kahapon, Oktubre 4.
Nagningning bilang Player of the Game si outside hitter Eugene Gloria matapos pumukol ng 22 puntos mula sa 19 na atake, dalawang block, at isang ace bitbit ang karagdagang 15 excellent dig at 15 excellent reception.
Umagapay rin para sa DLSU si opposite hitter Rui Ventura tangan ang 18 puntos mula sa 14 na atake, dalawang block, at dalawang ace, habang nagsumite naman ng 15 marka si middle blocker Issa Osseini.
Sa kabilang panig, pinangunahan ni veteran Amil Pacinio ang opensa ng Ateneo tangan ang 19 na puntos kaakibat ang pinagsamang 20 marka mula kina Matthew Salarzon at Julio Yu.
Maputla ang naging simula ng sagupaan nang magpalitan ng errors ang magkabilang koponan bago nag-alab si Kapitan Jian Salarzon sa service line para sa 5–0 run ng Ateneo, na siya namang sinabat ng crosscourt hit ni Gloria, 17–15, ngunit napiit sa sariling error ang Green Spikers na naghandog ng unang bentahe sa Blue Eagles, 22–25.
Maagang kumaripas ang Green Spikers sa ikalawang set sa bisa ng service ace ni outside hitter Chris Hernandez, 5–2, na pinalala pa ng ng down-the-line hit ni Ventura, 24–22, hanggang sa tuluyang naitabla ng Taft mainstays ang salpukan bunsod ng ipinamahaging puntos ni J. Salarzon mula sa attack error, 25–22.
Agad na umukit ng magkasunod na atake sina Gloria at Ventura para sa limang markang abante ng Taft-based squad sa bungad ng ikatlong set, 13–8, na sinunggaban ng quick hit ni middle blocker Ousseini bago ikinandado ni rookie setter Ezer Regidor ang yugto sa bisa ng matikas na 1–2 play, 25–19.
Bitbit ang momentum mula sa nagdaang set, humataw ng 3-0 run ang Taft mainstays, 6–0, na tinangka pang isalba ni Ateneo opposite hitter Kennedy Batas sa bisa ng isang down-the-line hit, subalit hindi na nasalag ng bughaw na koponan ang nag-aapoy na service ace ni Gloria na tuluyang nagbigay ng panalo sa mga taga-Taft, 25–16.
Matapos makaligtas sa tuka ng mga agila, makahaharap ng Berde at Puting hanay ang Far Eastern University Tamaraws sa best-of-three finals series ng torneo sa Playtime FilOil Centre sa ika-5:00 n.h. sa Lunes, Oktubre 6.