Green Booters, sinabayan ang tulin ng Ateneo Men’s Football Team

Kuha ni Kaye Mathena Macascas

PINANTAYAN ng De La Salle University (DLSU) Green Booters ang matayog na paglipad ng Ateneo de Manila University Men’s Football Team, 1–all, sa kanilang unang duwelo sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Stadium, Oktubre 5.

Nagmistulang niyebe ang field bunsod ng palitan ng mga mintis na tirada mula sa magkabilang panig sa unang 15 minuto ng sagupaan.

Nagpamalas naman ng matibay na depensa si DLSU rookie Bacchus Ekberg bago ang ika-19 na minuto upang makamit ang gantimpalang throw-in para sa Taft-based squad.

Agad naman itong sinamantala ng kapwa rookie na si John Gaverza nang humarurot sa loob at ipinukol ang bola kay James Sibla na isinalansan ang unang goal pagpatak ng 20:03 ng orasan, 1–0. 

Hindi naman nagpahuli ang mga taga-Loyola Heights nang kumumpas ng cross si Mateo Lacson papunta sa direksiyon nina Kofi Agyei at Marco Salud na pumukol ng magkasunod na header upang itabla ang talaan sa 29:15 marka, 1–all.

Determinadong winasak ni Green Booter Alonso Aguilar ang depensa ng mga nakaasul upang bigyan ng pagkakataon si Sibla na magpakawala ng panagot na sipa, ngunit bigong makuha ng DLSU ang kanilang ritmo.

Pagdating ng second half, sinagip ni Sebastian Fronda ang possession ng Berde at Puting koponan bago ipasa ang bola kay Sibla, subalit muli siyang nabigo sa kaniyang atake. 

Sumubok muli si Fronda gamit ang dummy papunta sa direksiyon ni Gaverza sa kaliwang flank na siyang kumuha ng corner shot. 

Nakahanap ng tiyempo ang Loyola-based squad sa tira ni Javier Bengson, ngunit madali itong nasalag ni DLSU goalkeeper Edcel  Lauron sa pagtatapos ng salpukan. 

Bitbit ang limang puntos mula sa 1–1–2 panalo-talo-tablado kartada, sunod na makikipagtuos ang Green Booters sa hanay ng Adamson University Men’s Football Team sa parehong lunan sa ika-4:00 n.h. sa susunod na Linggo, Oktubre 12.