Green at Lady Woodpushers, tinahak ang magkasalungat na resulta

Kuha ni Jean Carla Villano

LUMAGDA ng magkaibang resulta ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Woodpushers sa pag-usad ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Collegiate Chess Tournament sa Adamson University Gym kahapon, Oktubre 4.

Nagreyna ang mga piyesa ng Lady Woodpushers matapos patahimikin ang naghuhumiyaw na Adamson Women’s Chess Team, 2.5–1.5.

Sa kabilang banda, nalula ang hanay ng Green Woodpushers sa pagaspas ng Ateneo de Manila University Men’s Chess Team, 1.0–3.0.

Pagkalas ng mga piyesa

Maagang nasilaw si sophomore Tenshi Biete matapos buksan ng taga-Loyola Heights na si Cedric Abris ang tapatan sa bisa ng Sicilian Defense hanggang sa umabante ang rook ng nakaasul sa c7 upang tuluyang masupil ang Taft mainstay, 0–1.

Binagtas naman ni Kapitan Cyril Telesforo ang kasalungat na ruta matapos gulatin si Blue Eagle Knarf Batislaong sa bisa ng Queen’s Gambit tangan ang matatag na kontrol sa gitna ng board 2 upang gumuhit ng panalo para sa Berde at Puting koponan, 1–all.

Bumida si Green Woodpusher Rigel Pahantang sa board 3 gamit ang English Opening, Symmetrical variation, ngunit sinamantala ni Loyola mainstay Ritchie Abelda ang pagbukas ng linya sa queenside upang mapasakamay ang bentahe matapos ang dikdikang palitan sa huling yugto ng salpukan, 1–2.

Nagtagisan din ng depensa sina rookie Karlycris Clarito Jr. at Ateneo player Khalil Kis-ing matapos ibalandra ang kaparang English Opening, Symmetrical variation na sinundan ng masinsing pagsalakay ng agila sa bisa ng passed pawn hanggang sa tuluyang mapaatras ang pambato ng Taft-based squad, 1–3.

Pagdaluhong sa pugad ng palkon

Sinalag ni Kapitan Francois Magpily ang atake ni Lady Falcon Robelle De Jesus sa bisa ng Scandinavian Defense, Mieses-Kotrč Main Line variation sa pagbubukas ng laban na nagpatuloy sa mainit na palitan ng piyesa, ngunit nagtapos ang unang board sa isang draw, 0.5–all.

Binuksan naman ni DLSU rookie Juzeia Agne ang ikalawang board gamit ang English Opening, subalit nabigo siyang mapatumba ang pambato ng San Marcelino at kapwa rookie na si Christina Samarita na tuluyang dinagit ang mga hiyas upang makamtan ang panalo, 0.5–1.5.

Dinomina ng Sicilian Defense ni Taft mainstay Rinoa Sadey ang umpisa ng ikatlong board matapos puksain ang King’s Pawn Opening ni Adamson player Phoebie Arellano at ipinagpatuloy ang agresibong pag-atake sa queenside hanggang sa tuluyang napasakamay ang panalo dulot ng checkmate sa ika-47 move, 1.5–all.

Umukit naman ng bentahe si Lady Woodpusher Checy Telesforo matapos pigilang makabuwelo ang taga-San Marcelino na si Angela San Luis sa bisa ng English Opening bago tugisin ng berdeng knight sa dulo ng ikaapat na board upang sungkitin ang tagumpay, 2.5–1.5.

Pag-usbong ng mga panata

“Babawi po kami,” pagtitiyak ni Team Captain Cy. Telesforo sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) matapos kapusin sa kabila ng masigasig na paghahanda kontra Ateneo.

Susubukang utakan ng Green Woodpushers ang University of the Philippines at Far Eastern University Men’s Chess Teams upang punan ang puwang sa kanilang kartada sa parehong lunan ngayong araw, Oktubre 5.

“Hindi namin iniisip na matatalo [kami]. Iniisip namin [na] naglalaro kami para sa kakampi namin [at] para maipanalo ‘yung team,” pagbabahagi naman ni DLSU Team Captain Magpily sa APP sa kanilang naging panalo bagaman nasa pugad ng Adamson.

Tangan ang matikas na anim na match point, sisikapin ng Lady Woodpushers na ipagpatuloy ang kanilang malinis na rekord kontra National University at Far Eastern University Women’s Chess Teams sa parehong lugar ngayong araw, Oktubre 5.