DLSU Lady Booters, bumulagta sa balasik ng  FEU Women’s Football Team

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

DUMUPILAS ang De La Salle University (DLSU) Lady Booters sa paing isinalansan ng defending champions Far Eastern University (FEU) Women’s Football Team, 1–2, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Stadium kagabi, Oktubre 4. 

Agad na pinigilan ni DLSU goalkeeper Jessica Pido ang tangkang pagsalakay ni Lady Tamaraw Judie Arevalo sa pagsisimula ng dalawang minuto ng sagupaan.

Sumagot ang goalkeeper ng Morayta-based squad na si Jessa Lehayan matapos butatain ang tiradang pinakawalan ni DLSU midfielder Maria Layacan sa ikasiyam na minuto ng laban.

Sa pagpapatuloy ng laro, ginamitan ng tackle ni Stephanie Goñe ang depensang ikinamada ni Nikk Duran ng FEU upang maibalik ang bola sa panig ng DLSU, ngunit agad namang nabawi ng Tamaraws ang kontrol kaya nagkaroon ng tsansa si Regine Rebosura na pakawalan ang isang long-kick attempt na nasalag ni Pido.

Pagpatak ng ika-31 minuto, itinala ni Lady Booter Maegan Alforque ang unang goal ng salpukan matapos suklian ang kagila-gilalas na assist ni Season 87 Rookie of the Year Dani Tanjangco mula sa corner zone, 1–0.

Hindi hinayaang makalayo ng Morayta mainstays ang hanay ng Berde at Puti kaya sa kalagitnaan ng ika-45 minuto, ginimbal ni Lady Tamaraw Marienell Cristobal ang kawan ng DLSU nang bitawan niya ang mabilis at polidong penalty shot upang itabla ang talaan, 1–all.

Balikan ng bola ang naging kuwento pagkatapos ng half time, subalit pinairal ni Angel Egay ang puso ng isang kampeon bandang ika-80 minuto matapos utakan ang nagmimintis na defense pattern ng Taft-based squad, sapat upang tuluyang magapi ang nanlalabang Lady Booters 2–1.

Buhat ng pagkadapa, isasara ng Lady Booters ang unang yugto ng torneo tangan ang 3–1 panalo-talo kartada.