Pagsariwa sa madilim na yugto ng kasaysayan: Solidarity Walk at Prayer Vigil, ikinasa ng OVPEA para sa ika-53 anibersaryo ng Batas Militar

Kuha ni Chloe Tiamzon

“Lasalyanong makabayan, lumalaban!”

TAAS-KAMAONG NAGBALIK-TANAW ang pamayanang Lasalyano sa De La Salle University (DLSU) sa pangunguna ng University Student Government (USG) Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) bilang pag-alala sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, Setyembre 23.

Umugong ang nagkakaisang hiyaw ng pananagutan at panawagan ng mga Lasalyano mula sa mga haligi ng Bro. Connon Hall hanggang humantong sa harapan ng St. La Salle Hall. Tinuldukan ang naturang kilos-protesta sa pagsindi ng mga kandila kaakibat ng isang taimtim at nagkakaisang panalangin.

Iisang mukha ng korapsiyon

Kinondena ni USG Vice President for External Affairs Miel Miranda sa kaniyang mensahe ang malalang korapsiyon sa kasalukuyan na ikinumpara niya sa pandarambong noong panahon ng Batas Militar. Dumaing si Miranda na hindi naiiba ang uri ng korapsiyon na dinaranas ng sambayanan ngayon sa lumalalang isyu ng mga proyektong flood control ng pamahalaan kompara sa pinagdaanan ng bansa ilang dekada na ang nakaraan.

Binalikan naman ni Chief Legislator Ken Cayanan ang malubhang pagdakip, pagpapahirap, at pagpapatahimik sa libo-libong tao noong panahon ng Batas Militar. Kinilala rin niya sina Mateo Villanueva, Chokoy Lasik, at Alvin Karingal na dinakip ng kapulisan sa kanilang paglahok sa mga naganap na kilos-protesta laban sa korapsiyon nitong Setyembre 21 kasabay ng Pambansang Araw ng Protesta. Idinaing din ni Cayanan na talamak pa rin ang karahasan mula sa estado tulad ng mga pagpaslang sa panahon ng Oplan Tokhang sa ilalim ng administrasyong Duterte. 

Inalala naman ni University of the Philippines Manila University Student Council Chairperson Rain Nordin na maraming mamamayan ang ikinulong, nawala, at pinatay sa ilalim ng diktadurya. Gayunpaman, naghihikahos pa rin ang mga biktima ng Batas Militar sa pagtamasa ng hustisya mula sa gobyerno ngayong isang Marcos muli ang nakaupo sa trono ng kapangyarihan.

Dagdag din ni Nordin na patuloy ang panunupil sa mga aktibista, rebolusyonaryo, at mga mamamayan sa pangil ng batas na Anti-Terrorism Act of 2020. Daing pa niya na kasabay ng harabas na pagtrato sa mga tao ang pag-iral ng malalang korapsiyon sa pagkamkam ng pamilyang Marcos sa ill-gotten wealth na siyang pondo ng bayan.

Binigyang-pansin naman ni USG President Lara Capps ang epekto ng korapsiyon sa flood control projects na magsisilbi sanang kalasag ng mamamayan laban sa mapaminsalang bahang kumikitil sa buhay ng mga Pilipino. Mariin namang kinondena ni Nordin ang confidential at intelligence funds ni Bise Presidente Sara Duterte na sangkot din sa mga anomalya.

Samantala, ikinintal ni Carmel Puertollano, kinatawan mula sa Office of the Vice President for Lasallian Mission, sa isipan ng pamayanang Lasalyanong nagkamal ng yaman ang diktaduryang Marcos habang maraming Pilipino ang nagdusa sa kahirapan at namuhay sa pangamba.

Pagdadalumat pa ni Puertollano na patuloy pa rin ang paglaganap ng pagnanakaw sa pera ng bansa ngayon. “Nakakakilabot mang isipin, pero parang hindi natin maramdamang ganap na nagbago ang Pilipinas simula noon,” diin niya.

Tinukoy naman ni Liway Molines, tagapangulo ng Anakbayan Vito Cruz, sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na iisa pa rin ang pinaglalaban at hinahangad ng sambayanang Pilipino noon at ngayon. Pahiwatig niya, “Parehas pa rin ‘yung sistema na kinakalaban natin ngayon. Nagbago man ang itsura, naging mas discreet man. . . pero kung sino ‘yung naghaharing uri. . . ‘yon pa rin ang nagsusupil sa kalayaan, imahinasyon, at kakayahan ng kabataan.”

Panawagan at paninindigan

Itinaas ni Miranda ang panawagang pagtindig laban sa pag-uulit ng madilim na kasaysayan. Pagbibigay-babala niya na kakampi ng pang-aabuso ang pananahimik sa katiwalian. Naniniwala siyang sangkap ang pagkakaroon ng matapang na paninindigan upang burahin ang takot sa pakikibaka at mapaigting ang puwersa sa paghingi ng pananagutan at hustisya.

Iwinaksi naman ni Graziele Fernandez mula sa Alyansang Tapat sa Lasallista ang pagbaling ng galit at pang-aabuso sa mga nakikibaka at nanindigang ikulong ang mga korap na sangkot sa korapsiyon. Sinang-ayunan naman ito ni Jami Anonuevo mula sa partidong Santugon sa Tawag ng Panahon at inanyayahan ang mga Lasalyanong magkaisa kontra korapsiyon.

Nanawagan naman sina Cayanan at Mae Zantuan, estudyanteng Lasalyano at isa sa mga nag-organisa ng Lasallian Against Corruption Contingent, sa pagpapalaya sa mga sibilyanong ikinulong ng Manila Police District nitong Setyembre 21 mula sa mga malawakang protestang naganap sa iba’t ibang lugar sa lungsod ng Maynila.

Batid din ni Zantuan na nararapat singilin ang mga Marcos sa mga naging biktima ng karahasan noong panahon ng Batas Militar. Panawagan niya, “Panagutin ang mga Marcos sa inutang nilang dugo [noong] panahon ng tatay ni [Marcos Jr.], dahil hindi pa rin talaga nabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng Martial Law noong dekada sisenta.”

Lasalyano para sa bayan

Ipinaalala ni Puertollano ang diwa ng pagiging Lasalyano sa pagiging mulat sa mga nangyayari sa bansa upang mag-organisa at manindigan. Ipinaliwanag niyang galit ang damdaming dapat dalhin ng mga tao sa kabila ng mga pang-aabuso ng mga opisyal na dapat naninilbihan sa mga mamamayan.

Iginiit naman ni Br. Jeano Endaya FSC sa APP ang kahalagahan ng pagkakaisa ng pamayanang Lasalyano sa malawak na laban para sa demokrasya. Inaasahan niyang sa oras ng kagipitan, titindig ang lahat para ipaglaban ang dignidad ng bawat Pilipino. “Patuloy na makihalubilo, patuloy na makibaka, [at] patuloy na makialam,” panghihikayat ni Br. Endaya.

Hinimok naman ni Cayanan ang lahat na tumindig at pigilan ang panunupil ng marahas na estado. Sinuportahan din ito ni Molines na kondenahin ang pagpapahamak at paggamit ng dahas sa mga mamamayang nais lamang kumawala sa bulok na sistemang pinalalaganap ng mga nasa kapangyarihan.

Binanggit din ni Molines na nakararanas pa rin ng pagsusupil ang aktibismo sa loob ng Pamantasan sa kabila ng buhay na diwa ng pakikibaka ng pamayanang Lasalyano.

Ipinaliwanag naman ni Miranda sa APP na sumasalamin ang temang “Alaala ng Laban at Katarungan” ng ika-53 anibersaryo ng Batas Militar sa ipinaglalabang hindi dapat malimutan. Kaugnay nito, balak niya ring bumuo ng exhibit gamit ang mga materyales mula sa Bantayog ng mga Bayani para sa patuloy na pag-alala sa deklarasyon ng Batas Militar. Naghahanda rin ang USG para sa pagpapalabas ng mga pelikulang may kaugnayan sa Batas Militar ngayong Oktubre.

Binigyang-diin din ni Miranda ang kahalagahan ng pag-alala sa kasaysayan kahit ilang dekada na ang lumipas. Panawagan niya, “Itutuloy natin ang laban para sa katarungan at para sa bayan.”

Hiling naman ni Zantuan na paigtingin pa ang kolaborasyon sa pagitan ng USG at administrasyon ng DLSU sa pagkasa ng mga proyekto at inisyatibo ng Pamantasan laban sa korapsiyon, pasismo, at paglabag sa mga karapatang pantao.

Marubdob ang paninindigan ng pamayanang Lasalyano sa paghingi ng hustisya at pananagutan sa pagbabalik-tanaw sa anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar. Habilin pa ni Puertollano, “Mag-organisa tayo at palaguin natin ang ating hanay para makamit natin ang inaasam nating hustisya.”