
BIGONG MALANSAG ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang halimhiman ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 26–28, 16–25, 25–23, 24–26, sa kanilang ikalawang tapatan sa best-of-three semifinals series ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Playtime FilOil Centre, Oktubre 2.
Nanguna para sa hanay ng Taft mainstays si open spiker Eugene Gloria matapos kumana ng 16 na marka mula sa 15 atake at isang service ace.
Samantala, kinilala bilang Player of the Game sa panig ng Blue Eagles si opposite hitter Amil Pacinio matapos magtala ng 20 puntos bunsod ng 19 na atake at isang alas.
Maagang nakalamang ang Green Spikers sa pangunguna ng mga hampas ni Gloria, 21–17, subalit hindi nagpatinag ang mga agila matapos kumamada ang kanilang kapitan na si outside hitter Jian Salarzon ng tatlong magkakasunod na puntos buhat ng dalawang atake at isang kill block upang masukbit ang unang set, 26–28.
Nagpatuloy ang malamlam na pagpapamalas ng Taft-based squad sa ikalawang set matapos gimbalin ni Salarzon ang kanilang depensa sa bisa ng isang off-the-block kill, 10–14, na sinagot ni DLSU opposite hitter Rui Ventura ng d-ball attack, 14–19, bago tapusin ni Pacinio ang naturang yugto nang magpasiklab ng isang hampas patungong zone 6, 16–25.
Pagdako ng ikatlong set, tuluyang pinihit ng luntiang koponan ang manibela patungo sa kanilang panig matapos parusahan ni DLSU middle blocker Issa Ousseini ang floor defense ng Ateneo, 19–17, na sinundan pa ng unforced errors ng mga taga-Loyola kaya matagumpay nilang naibulsa ang yugto, 25–23.
Naging maanghang ang sagutan nina Ousseini at Pacinio pagdating sa opensa pagpatak ng huling set, 22–all, subalit nanaig ang kapit ng mga agila matapos makamit ang naturang set bunsod ng nagmintis na palo ni Gloria mula sa open, 24–26.
Bunsod ng pagkadapa, muling kahaharapin ng Berde at Puting hanay ang Blue Eagles para sa inaasam na tiket sa Finals sa huling laro ng serye sa Ynares Center, Rizal sa Sabado, Oktubre 4.