
BINAKURAN ng De La Salle University Green Booters ang pag-abante ng University of the Philippines (UP) Men’s Football Team matapos mauwi sa tabla ang kanilang salpukan, 0–all, sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa Ayala Vermosa Sports Hub Football Field, Oktubre 2.
Maagang sumalakay ang Diliman mainstays sa pangunguna ni UP player Jian Caraig sa unang yugto ng tapatan, ngunit sinalag ng mga taga-Taft ang kaniyang tirada upang manatiling blangko ang talaan.
Nagpatuloy ang tangkang pagratsada ng opensa ng mga Diliman mainstays sa ikalawang yugto ng bakbakan, ngunit pinangalagaan ni rookie goalkeeper Edcel Lauron ang tarangkahan ng Taft-based squad upang ipagkait ang puntos sa UP.
Umigting ang tensiyon sa pagitan ng dalawang hanay hanggang sa pitong minutong overtime, ngunit walang nakakumpas ng tiyempo upang itarak ang panalo sa pagtatapos ng tapatan.
Bunsod nito, nahadlangan ng Berde at Puting koponan ang mga Iskolar na makamit ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
Gayunpaman, kumubra pa rin ng tig-isang puntos ang magkabilang panig at idinagdag sa kanilang rekord sa torneo.
Sukbit ang 1–1 panalo-talo kartada, tatangkaing salagin ng Green Booters ang pagkalas ng Ateneo de Manila Univerisity Men’s Football Team sa UP Diliman Football Stadium sa ika-4:00 n.h. sa Linggo, Oktubre 5.