
INUNGUSAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers ang University of Santo Tomas (UST) Female Woodpushers, 3.5–0.5, sa ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Chess Tournament sa Adamson University Gym, Oktubre 1.
Nagpamalas si Kapitana Francois Magpily ng Sicilian Defense sa unang board kontra sa España mainstay na si Precious Yecia at agad niyang binuweltahan ng bishop sa ika-32 galaw tungong b5 na siyang nagpasunod at nagpasindak sa galaw ng tigre hanggang sa mapasuko sa ika-41 move, 1.0–0.0.
Binuksan din ni Lady Woodpusher Rinoa Sadey ang kaniyang pakikipagtagisan sa ikatlong board kontra sa taga-UST na si Jenee Panol sa bisa ng Sicilian Defense at kaniyang tinapos gamit ang pagbabalandra ng pawn advance upang unti-unting sirain ang depensa ni Panol at palobohin ang talaan, 2.0–0.0.
Sumalamin naman ang parehong Sicilian Defense sa ikalawang board matapos magpasiklab ng dominasyon si Lady Woodpusher Juzeia Agne gamit ang checkmate sa ika-52 move at payukurin ang taga-UST na si Jamaica Lagrio upang maagang mapasakamay ang panalo, 3.0–0.0.
Bumida ng Pirc Defense si DLSU rookie Heart Padilla sa kaniyang dikdikang duwelo kay España-based player Rohanisah Buto sa ikaapat na board, subalit bigong makalusob ang parehong kampo hanggang sa nauwi ang engkuwentro sa draw, 3.5–0.5.
“Same lang din as always—to bring the same discipline that we have brought to the previous two games and not relax just because we won this game. And ayon, [we’ll] continue with our preparations because three games kami for next weekend,” wika ni Sadey sa pag-usad ng luntiang koponan sa naturang torneo.
Sukbit ang 2–0 panalo-talo baraha, susubukan ng Lady Woodpushers na patuloy na magpamalas ng talino kontra Adamson Women’s Chess Team sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. sa Sabado, Oktubre 4.