
KUMUPAS ang dilaab ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers kontra Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Women’s Basketball Tournament sa UST Quadricentennial Pavilion, Oktubre 1.
Kinarga ni point guard Xyla Lubrico ang opensa ng Berde at Puting koponan matapos makalikom ng 16 na puntos at limang rebound habang umagapay rin si Kyla Go nang tumudla ng 10 puntos at walong rebound.
Itinanghal namang Player of the Game si Lady Tamaraw Amyah Español tangan ang 14 na puntos at limang rebound.
Maagang sumiklab ang alitan sa pagbubukas ng unang kuwarter nang magsalitan ng foul play ang dalawang koponan bago kinargahan ng tres ni MJ Manguiat ang FEU papuntang kalamangan, ngunit nanaig ang kampo ng Taft matapos magsalaksak ng puntos si Mica Camba para sa mga taga-Taft, 18–15.
Sinubukang bumangon ng Morayta mainstays nang pumukol ng magkasunod na puntos sina Erica Lopez at Joann Nagma sa pagbubukas ng ikalawang yugto, 30–26, na inagapayan pa ng long-range shot ni Español, subalit nanatiling kapos ang mga tamaraw kontra sa puwersa ng Lady Archers, 43–42.
Umigting ang bakbakan sa ikatlong yugto nang magsalpak ng magkasunod na marka sina Lady Tamaraw Elaine Patio at Manguiat, 49–48, hanggang sa tuluyang nanlata ang opensa ng Lady Archers sa pagtatapos ng naturang kuwarter, 51–55.
Tumaas ang kumpiyansa ng Berde at Puting grupo nang maitabla ang talaan, 61–all, na inagapayan pa ng tira mula sa loob ni DLSU player Jimoh Nofisat, 72–70, ngunit nangibabaw ang tikas ng Lady Tamaraws matapos pumukol ng tres si Manguiat sa huling minuto ng laro, 72–73.
“We really need to refocus and regroup because we had a fun run but it was not enough for the game,” pagdiriin ni Lady Archer Aiesha Dizon sa Ang Pahayagang Plaridel sa isinagawang post-game interview.
Tangan ang 0-2 panalo-talo kartada, susubukang pumitas ng panalo ng Lady Archers kontra Ateneo de Manila University sa SM Mall of Asia Arena sa ika-7:00 n.g. sa Linggo, Oktubre 5.
Mga Iskor:
DLSU (72) – Lubrico 16, Go 10, Camba 9, Nofisat 8, Mendoza 7, Villarin 6, Dizon 5, Sunga 4, Dela Paz 3, Villapando 2, Delos Reyes 1, Anastacio 1.
FEU (73) – Manguiat 16, Espanol 14, Abatayo 12, Pasilang 9, Lopez 6, Dela Torre 6, Patio 4, Garavan 2, Nagma 2, Villanueva 2.
Quarter scores: 18–15, 43–42, 51–55, 72–73.