
NILIPOL ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang pugad ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 26–24, 22–25, 25–13, 25–18, sa kanilang unang engkuwentro sa best-of-three semifinals series ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Playtime FilOil Centre, Oktubre 1.
Pinangunahan ni open hitter Eugene Gloria ang kampanya ng Green Spikers matapos magtala ng 18 puntos mula sa 16 na atake, isang block, at isang ace, kaakibat ang anim na dig.
Nagpasiklab din sina outside hitter Chris Hernandez at opposite hitter Rui Ventura matapos maglatag ng tig-11 puntos.
Sa kabilang dako, nangibabaw para sa mga agila sina opposite hitter Amil Pacinio at outside hitter Jian Salarzon matapos magsumite ng pinagsamang 31 puntos.
Bumungad ang palitan ng mga atake mula sa dalawang koponan bago masikwat ng Loyola-based squad ang momentum sa bisa ng magkakasunod na puntos mula kina Pacinio at Miguel Yu, kabilang ang dalawang service ace at crosscourt attack, ngunit agad na bumawi ang Taft-based squad sa pangunguna ng matatag na solo block ni middle blocker Issa Ousseini, 17–all, bago isinara ni Gloria ang naturang set gamit ang matulis na crosscourt attack, 26–24.
Tumambad naman ang paghahasik ng mga nakaasul matapos kumamada si Pacinio ng off-the-block hit, 11–14, subalit hindi nagpadaig si DLSU outside hitter Uriel Mendoza matapos basagin ang matayog na tore ng Blue Eagles, 14–17, bago muling sumagot si Salarzon ng isang crosscourt attack upang itabla ang salpukan, 22–25.
Pagdako ng ikatlong set, nagpasiklab si Ateneo opposite hitter Kennedy Batas matapos pakinabangan ang regalo mula sa over receive ng Green Spikers, ngunit agad na rumesponde ang Taft-based squad gamit ang 7–1 run tampok ang magkakasunod na block ni Ousseini, 12–7, na ginatungan pa ng crosscourt attack ni Ventura, 19–9, hanggang sa tuluyang winakasan ni JJ Rodriguez ang naturang set sa bisa ng quick attack, 25–13.
Nagpasiklab muli si Ventura ng magkakasunod na atake pagdako ng ikaapat na set upang itulak ang bentahe ng DLSU sa anim na marka, 21–15, bago tuluyang gumuho ang ritmo ng Ateneo bunsod ng magkakasunod na errors, 24–18, hanggang sa itinarak na ni Gloria ang kaniyang nagkukumahog na palo sa linya upang selyuhan ang panalo, 25–18.
Bitbit ang malinis na 1–0 panalo-talo baraha sa serye, hangad ng Green Spikers na maselyuhan ang kanilang tiket sa finals sa kanilang muling pagharap sa Ateneo Blue Eagles sa Game 2 ng best-of-three semifinals sa parehong lunan sa ika-3:00 n.h. bukas, Oktubre 2.