
Gaano man kahaba ang paglalakbay, laging kaagapay ng talampakan ang proteksiyong ibinibigay ng isang sapatos. Mula sa malalambot nitong tapakan at perpektong hulma, tiyak na ginhawa ang dala sa bawat paghakbang. Tsinelas, sandalyas, at takong na pamporma—ilan lamang ito sa mga obrang nililikha ng mga sapatero para sa masa.
Simple man sa unang tingin ngunit kinakailangan ng tiyaga at talento upang manatili sa larangang ito. Habang lumilipas ang panahon, nagbabago na rin ang proseso ng paglikha at pagremedyo sa mga sapin sa paa. Sa kabila nito, nananatiling matatag ang mga tradisyonal na sapatero sa industriyang kanilang binuo sa pamamagitan ng husay at sipag.
Paghulma ng talento
Sa kahabaan ng Don Mariano Marcos Avenue sa Quezon City, matatagpuang nakatirik ang isang tindahan sa ilalim ng bughaw na underpass. Alas-dos na ng hapon nang makarating ako rito habang ramdam ang lagkit ng pawis sa balat dulot ng matinding alinsangan. Magkahalong kaba at pananabik ang aking naramdaman nang bumungad ang pamilyar na estanteng naglalaman ng mga kayumangging sandalyas na may iba’t ibang strap. Sa likod nito, naghihintay si Maria Elena De Vera, mas kilala bilang “Ate Marlene,” ang sapaterong kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel.
Malugod ang kaniyang naging pagtanggap patungo sa loob ng kaniyang pagawaan. Pagpasok ko sa pinto, nasilayan ko agad ang hile-hilerang mga sapatos at sandalyas na kaniyang mga inayos at nilikha. Patong-patong ang kaniyang mga materyales sa dulong lamesa gaya ng mga panghulma, iba’t ibang leather, pliers, at mga telang kaniyang ginagamit sa paggawa ng sapatos. Maliit man ang espasyo, hindi hamak na saksi ang kuwartong ito sa mga kuwento ng pagod at progreso ng kaniyang trabaho.
Ibinahagi ni Ate Marlene na nagsimula siyang matutong magsapatos mula sa paggabay ng kaniyang ama. Bilang panganay, tumulong siya sa pagsasapatos upang kumita ng pera para sa pamilya. Wala mang karatula noong una, matagumpay pa ring umusbong ang kanilang negosyo sa paglipas ng mga taon. Pagsisiwalat niya, mas nasisiyahan siya sa pagsasapatos kaysa sa tipikal na trabahong pang-opisina. Kaya sa halip na maghanap pa ng ibang karera, iginugol na lamang niya ang lahat ng oras sa kasanayang kinamulatan.
Pagtatagpi sa bawat piraso
Matapos ang maikling kuwentuhan, sabik niyang inilabas ang hulmahan at mga materyales tulad ng suwelas, tapakan, at kaniyang mga disenyong dahon. Habang nagtuturo, kitang-kita ang kumpiyansa sa kaniyang salita at kilos bunga ng mahigit tatlumpung taong karanasan. Maingat niyang kinuha ang tamang mga piraso para sa sukat ng hulma at tinuruan niya ako paano ito pagdugtungin sa pamamagitan ng pagtatahi.
“Tusok, kawit, hila”—ito ang paulit-ulit niyang itinuturo sa akin. Madali man sa unang tingin ngunit labis akong nahirapan nang akin na itong subukan. Kinakailangan ng ehersisyo at pasensiya sapagkat mabilis na pangangalay ang inabot ng aking kamay nang ako na ang gumagawa nito. Bilang baguhan, unti-unti akong nahapo dulot ng pangangapa sa prosesong araw-araw niya nang ginagawa. Narinig ko rin ang kaniyang marahang pagtawa habang hinahanap ko ang butas sa suwelas ng sandalyas na aking itinatahi. Sa kabila ng aking masinsing pagnanasang matuto, tiniyak niya namang mayroon ng modernong teknolohiyang nakapagpadadali sa proseso. Subalit sa kasanayan, mas gusto niya ang tradisyonal na pamamaraan kaya ito ang itinuro niya sa akin.
Tunay na magkaiba ang husay ng eksperto kompara sa baguhan lamang. Kinakailangang matalas ang mata, malakas ang braso, at bihasa ang kamay upang tahiin ang mga bahagi ng sapatos. Kahanga-hanga ang kaniyang kakayahang gawin ang mga ito—lalo na’t sari-sari pa ang kaniyang ginagawa at inaayos habang pinapanatili ang kalidad ng bawat produkto.
Taos-pusong serbisyo
Sa gitna ng demonstrasyon, may isang suking tumawag upang kuhanin ang pinagawang sapatos. Nasaksihan ko ang kuwela ngunit tapat na pakikitungo ni Ate Marlene sa kaniya na mukha namang nasiyahan sa natanggap na serbisyo. Pagbalik niya sa aming diskurso, mangha kong tinanong ang kaniyang sikreto upang dumami ang parokyano sa negosyo. Mula pa lamang sa mga hile-hilerang produktong aking nakita, tiyak kong maraming mamimili ang sumusubaybay dahil sa kaniyang kahusayan. Marahan niyang sinabi, “Ang kliyente ang [mag]tuturo sa’yo paano [ka] maging magaling.” Binibigyan niya ng laya ang mga mamimili na punahin ang kaniyang serbisyo sapagkat para sa kaniya, mahalaga ang pagtanggap ng pagkakamali.
Base sa aking saglit na nasaksihan, hindi maitatanggi ang husay at dedikasyon ni Ate Marlene sa trabaho. Ngunit, hindi maipagkakailang dugo’t pawis ang kinakailangan upang manatili nang matagal sa negosyo. Minsan, kinakailangan pang dagdagan ang oras ng kaniyang pagtatrabaho bunsod ng dami ng mamimiling umaasa sa kaniya. Sa gitna ng panayam, naalala ko ang pagkangawit ng aking braso at kamay mula sa pagtahi kanina. Bagaman unang mga hakbang lamang ang kaniyang naituro, danas ko na agad ang hirap ng kaniyang trabaho. Hindi ko lubos maisip paano niya nakakayanan ang mahirap at mas komplikadong proseso upang makompleto ang hindi mabilang na produkto sa bawat araw.
Bagaman tiyaga ang susi sa kaniyang pag-asenso, malaki rin ang naging gampanin ng mga mamimiling sumusuporta sa kaniya upang magtagumpay sa negosyo. Sa kaniyang pagsisikap sa trabaho, tiyak na nakatadhana sa kaniya ang pagiging sapatero. Pagbabahagi niya, “May connections na ako sa mga tao. Parang ‘di ko na kayang iwanan kasi marami nang umaasa sa’kin.” Para sa kaniya, isang tungkulin na ang pagsasapatos—isang serbisyong iniaalay sa mga nagtitiwala.
Pagbaybay sa panibagong yugto
Kasuotan ang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tao. Bilang pantaklob sa ating mga paa, hatid ng sapatos ang proteksiyon at kaginhawaan sa ating araw-araw na paglalakbay. Isa si Ate Marlene sa mga lokal na sapaterong araw-araw na nagpupunyagi upang maging dalubhasa sa kaniyang serbisyo. Bunga nito, dumarami pa ang mga tumatangkilik na parokyano. Isa siyang patunay na hindi lamang kahusayan ang kinakailangan upang lumago kundi pati sipag at tiyaga, at suporta mula sa mga tao.
Pag-asa ang hatid ng kuwento ni Ate Marlene sa paggawa ng mga obra at paglago ng negosyo. Ipinapakita nito ang tibay ng kaniyang loob na makatawid sa malubak na daan hatid ng mga hamon sa buhay. Tulad ng kaniyang mga bagong gawang sapatos, lalong tumibay ang aking loob na harapin ang panibagong yugtong aking susuongin pagtapak ko sa labas ng munti niyang pagawaan.