Green Spikers, sinupil ang mga tigre sa V-League

Retrato mula V-League

NAKAPUSLIT ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa matatalim na kuko ng University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 23–25, 25–21, 25–23, 24–26, 15–12, upang ibalandra ang malinis na kartada sa elimination round ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Playtime FilOil Centre, Setyembre 29.

Kinilala si opposite hitter Rui Ventura bilang Best Player of the Game matapos maglista ng 18 puntos mula sa 14 na atake at apat na block kaakibat ang tatlong dig. 

Umagapay rin para sa Green Spikers si middle blocker Issa Ousseini bitbit ang 20 puntos mula sa 13 atake at pitong block.

Pinangunahan naman ni Alas Pilipinas player Josh Ybañez ang Golden Spikers matapos makapagtala ng 13 puntos mula sa 11 atake, isang block, at isang ace. 

Naging mabagal ang pag-arangkada ng unang set bunsod ng palitan ng service error ng dalawang koponan, ngunit nagpasiklab si outside hitter Gboy De Vega ng magkasunod na drop ball at backrow hit upang ibulsa ng UST ang naturang yugto, 23–25.

Bumangon ang Green Spikers sa ikalawang set matapos magdomina sa harap sina Ousseini at Ventura, 17–11, na sinubukan namang salbahin ng quick hit ni UST middle blocker Trevor Valera, ngunit mas nanaig ang puwersa ng Berde at Puting koponan nang tuluyang maitabla ang talaan, 25–21.

Bitbit ang momentum mula sa nagdaang set, patuloy na naghari si Ousseini sa harap ng net matapos salagin ang atake ni Ybañez, 22–21, hanggang sa tinuldukan na ni outside hitter Eugene Gloria ang ikatlong set pabor sa DLSU sa bisa ng backrow hit, 25–23.

Matinding puwersa ang pinakawalan ng España-based squad sa ikaapat na set matapos ang magkasunod na puntos nina Ybañez at De Vega, 24–all, na naging ugat upang tuluyang bitbitin ni De Vega ang salpukan sa isang decider gamit ang pipe attack, 26–24.

Bumanat si Ventura ng magkasunod na tira kabilang ang down-the-line hit pagsapit ng deciding set upang selyuhan ang apat na puntos na abante, 13–9, bago ipinako ni Gloria ang panalo sa bisa ng backrow kill, 15–12.

Tangan ang malinis na 7–0 panalo talo baraha, kahaharapin ng top-seeded Green Spikers ang ikaapat sa ranggo na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa unang laro ng best-of-three semifinals sa parehong lunan sa ika-3:00 n.h. sa Huwebes, Oktubre 2.