Lady Archers, nilapa ng mabalasik na Golden Tigresses

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

ININDA ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang kanilang unang pagkatalo kontra University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses, 56–105, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa Smart  Araneta Coliseum kagabi, Setyembre 27.

Pinangunahan ni Patricia Mendoza ang Berde at Puting koponan matapos umani ng 15 puntos at pitong rebound habang sumaklolo rin si Kyla Sunga buhat ang 11 puntos at dalawang rebound. 

Namayani naman para sa Growling Tigresses si foreign student-athlete Oma Onianwa tangan ang 15 puntos.

Bumira agad ng dalawang puntos si Aiesha Dizon sa pagbubukas ng salpukan, 2–0, ngunit mabilis na tinabla ni Onianwa ang talaan, 2–all, bago tuluyang umarangkada ang mga taga-España at iniwan ang Taft-based squad sa rumatsadang unang sampung minuto, 10–25.

Nagpatuloy sa ikalawang kuwarter ang ritmo ng UST nang binura ng pangkat ang mga inipong puntos ni Mendoza mula sa free-throw line, 28–44, kasabay ng pagkubkob ng marka ni Jaja Pescador mula sa arko, 28–47, hanggang sa tuluyang nabalewala ang pagsalag ni Lady Archer BJ Villarin matapos mamayani ang mga tigre sa pagtatapos ng first half, 35–56.

Binasag ni Growling Tigress Karylle Sierba ang nanlamig na talaan sa ikatlong kuwarter sa bisa ng tira mula sa loob ng arko, 35–58, bago ito binuweltahan ng mga puntos nina Lady Archer Dizon, Villarin, at Mica Camba, 45–69, subalit patuloy na nanalasa ang mga tigre at lalo pang pinalobo ang kalamangan, 45–80.

Naupos ang diwa ng mga nakaberde matapos magpakawla ng puntos si Breana Pineda, 54–91, bago umami ng puntos si Camba sa bisa ng free throw para sa DLSU, ngunit hindi ito naging sapat upang abutin ang 49 na puntos na pagdomina ng Growling Tigresses, 56–105.

Susubukang bumangon ng Taft-based squad mula sa pagkakasadlak kontra Far Eastern University Lady Tamaraws sa UST Quadricentennial Pavilion sa ika-12:00 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 1.

Mga Iskor:

DLSU 56 – Mendoza 15, Sunga 11, Camba 7, Villarin 6, Dizon 6, Nofisat 4, Go 3, Lubrico 2, Anastacio 2, Delos Reyes 0, Dela Paz 0, Villapando 0. 

UST 105 – Onianwa 15, Pescador 12, Pineda 12, Pastrana 11, Santos 11, Sierba 10, Maglupay 10, Maglupay 8, Dajao 8, C. Danganan 7, Soriano 5, Ambos 4, McAlary 2, K. Danganan 0, Bron 0, Serrano 0, Relliquette 0.

Quarter scores: 10–25, 35–56, 45–80, 56–105.