Green Archers, nalunod sa dagundong ng mga Tigre

Kuha ni Florence Marie Osias

KINAPOS ang mga pana ng De La Salle University (DLSU) Green Archers sa pagtudla kontra University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 84–93, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Setyembre 27.

Inakay ni point guard Jacob Cortez ang opensa ng Berde at Puting koponan matapos magpasiklab ng 17 puntos at tatlong rebound. 

Sumaklolo rin si co-captain Earl Abadam bitbit ang 11 puntos at tatlong rebound. 

Hinirang naman na Player of the Game si Collins Akowe ng UST matapos pumukol ng 20 puntos at 19 na rebound.

Sa pagbubukas ng tunggalian, agad na bumira ng tres para sa DLSU si Cortez, 3–0, na sinubukang tablahin ni Akowe, 3–2, ngunit mas nanaig ang puwersa ng mga taga-Taft nang tapusin nina Kean Baclaan at Luis Pablo ang unang kuwarter sa bisa ng isang mabilisang pasa at lay-up, 27–22.

Sumiklab naman ang pag-asa sa kampo ng España sa ikalawang bahagi ng tapatan nang kumasa ng tres si point guard Forthsky Padrigao upang tapyasin ang kalamangan, 45–42, ngunit agad ding hinarangan ng Taft-based squad ang paghahabol ng mga tigre matapos pumukol ng puntos mula sa loob si rookie Gian Gomez, 49–45.

Uminit ang mga kamay ng Green Archers sa ikatlong kuwarter nang magpaulan ng long-range three-pointer sina Cortez at Mason Amos, 51–48, subalit umigting ang tensiyon nang maidikit ni Nic Cabañero ang talaan para sa Growling Tigers, 74–72.

Bumalikwas naman ang laban sa huling kuwarter nang magpasiklab si Amiel Acido mula sa arko, 79–84, na sinubukan pang apulahin ni Abadam sa huling minuto, ngunit nilamon ng dagundong ng mga Tigre ang kaniyang pagsargo at tuluyang isinara ang laban, 84–93.

“Our biggest takeaway is we need to find our rhythm, bounce back, and train hard kasi every game is a step ahead,” saad ni EJ Gollena sa Ang Pahayagang Plaridel sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya.

Tangan ang kanilang 1-1 panalo-talo kartada, susubukang bumangon ng Green Archers kontra Far Eastern University Tamaraws sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion sa ika-2:00 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 1.

Mga Iskor:

DLSU (84) – Cortez 17, Abadam 11, Baclaan 9, Amos 9, Marasigan 9, Phillips 8, Dungo 6, Pablo 4, Gollena 4, Gomez 4, Daep 3.

UST (93) – Cabañero 27, Akowe 20, Acido 13, Padrigao 12, Paranada 9, Crisostomo 5, Llemit 3, Danting 2, Laure 2.
Quarter scores: 27–22, 49–45, 74–72, 84–93.