DLSU Lady Booters, tinugis ang kuta ng UP Women’s Football Team

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

GINUPO ng De La Salle University (DLSU) Lady Booters ang nagbabadyang University of the Philippines (UP) Women’s Football Team, 2–0, upang panatilihing malinis ang kanilang kartada sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Football Tournament sa Ayala Vermosa Sports Hub Football Field, Setyembre 27. 

Nanlamig na puwersa ang sumalubong sa dalawang kampo matapos ang malamyang pagsalakay sa pagbubukas ng sagupaan.

Ibinalandra naman ng Diliman mainstays ang kanilang matibay na depensa sa pangunguna ni goalkeeper Mariel Sancho matapos hadlangan ang pitong beses na tangkang pagpuntos ng Berde at Puting hanay.

Nagpamalas naman ng liksi si Season 87 Rookie of the Year Dani Tanjangco sa karagdagang apat na minuto ng unang yugto matapos takasan ang mahigpit na depensa ng mga taga-Diliman at markahan ang nanunuyong talaan, 1–0.

Bitbit ang hangaring tablahin ang iskor, agad na uminit ang opensa ng UP, ngunit mabilis din itong binakuran ni Lady Booter Elisha Lubiano.

Pumanig naman ang laro sa Taft mainstays matapos kumubra ng own goal si UP player Gabby Calope sa ika-61 marka ng bakbakan, 2–0.

Sinubukan pang buhayin nina Diliman mainstay Jazzy Borra at Cris Montero ang diwa ng kanilang koponan matapos subukang tumikada ng puntos, ngunit nanaig ang depensa ng luntiang kampo upang patuloy na magreyna sa naturang torneo.

Sukbit ang malinis na 3–0 panalo-talo kartada, susubukang salagin ng Taft-based squad ang suwag ng defending champions Far Eastern University Women’s Football Team sa UP Diliman Football Stadium sa ika-6:30 n.g. sa darating na Sabado, Oktubre 4.