DLSU Green Booters, sumalisi ng panalo kontra UE Men’s Football Team

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

INUNGUSAN ng De La Salle University (DLSU) Green Booters ang University of the East (UE) Men’s Football Team, 1–0, upang ibulsa ang unang panalo sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa Ayala Vermosa Sports Hub Football Field kagabi, Setyembre 25.

Bagamat sinalubong ang Taft mainstays ng agresibong laro mula sa Recto-based squad sa unang yugto ng bakbakan, bigo pa rin ang parehong koponang tumikada ng puntos.

Pagpitik ng ikalawang yugto, nagbago ang ihip ng hangin dala ng mga paninindak ng Berde at Puting hanay sa depensa ng UE, kasabay ng magkakasunod na tangkang pagporsiyento ng DLSU rookie duo nina John Gaverza at James Sibla. 

Desperadong basagin ang blangkong talaan sa ikalawang minuto ng overtime, kumana ng strike si DLSU sophomore Alonso Aguilar hango sa assist ni Sebastian Fronda sa ika-92 minuto, sapat upang matinag ang depensa ni UE goalkeeper Chrisjan Tambilawan, 1–0.

Tangan ang 1–1 panalo-talo kartada, kahaharapin ng Taft-based squad ang panibagong hamong ilalatag ng University of the Philippines Men’s Football Team sa parehong lugar sa ika-2:00 n.h. sa Huwebes, Oktubre 2.