
BUMALIKWAS ang mga pana ng De La Salle University (DLSU) Green Booters kontra University of Santo Tomas (UST) Golden Booters, 1–2, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa Ayala Vermosa Sports Hub Football Field kagabi, Setyembre 21.
Sa mainit na palitan ng mga tadyak, nanguna si DLSU sophomore Alonso Aguilar, ngunit hindi ito naging sapat kontra sa tigreng tambalan nina Richard Songalia at Kyler Escobar matapos sanib-puwersang buhatin ang opensa ng mga taga-España.
Sa pagbubukas ng sagupaan, agad na nayanig ang Taft-based squad nang umukit ng nagliliyab na atake si Songalia sa ika-15 minuto ng sagupaan upang ibigay sa Golden Booters ang bentahe bago matapos ang first half, 0–1.
Sinikap nina Green Booter Arturo Reyes at Aguilar na itabla ang laban, ngunit nalusaw ang kanilang mga tirada sa matibay na depensa ng España-based squad na muling sumilat ng goal sa bisa ng power shot ni Escobar sa ika-42 minuto ng sagupaan, 0–2.
Panandaliang nagliyab ang pag-asa ng Taft mainstays nang maligaw ang tirada ng España player na si Sam Alegre sa ika-84 na minuto, 1–2, ngunit nabigo pa ring makaporma ang mga nakaberde ng pansariling puntos sa pagtatapos ng tapatan.
Tangan ang 0-1 panalo-talo kartada, susuong ang Berde at Puting koponan kontra University of the East Men’s Football Team sa parehong lunan sa ika-2:00 n.h. sa Huwebes, Setyembre 25.