
IBINULSA ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kanilang buwena manong panalo kontra Adamson University Soaring Falcons, 60–58, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Men’s Basketball Tournament sa UST Quadricentennial Pavilion kahapon, Setyembre 20.
Namayani para sa DLSU si Team Captain Mike Phillips matapos magtala ng 17 puntos, 16 na rebound, at apat na block.
Umagapay rin para sa Berde at Puting koponan ang bagong salta sa UAAP na si Jacob Cortez sukbit ang 16 na puntos at apat na rebound.
Bumida naman para sa Adamson si power forward Cedrick Manzano tangan ang 19 na puntos at siyam na rebound.
Binuksan ni Cortez ang salpukan sa bisa ng fastbreak play na siyang inagapayan ng putback ni Phillips, ngunit nakahanap ng ritmo ang Falcons sa pangunguna nina Manzano at John Erolon bago muling napasakamay ng Taft mainstays ang momentum nang magpakawala ng magkasunod na tres sina rookie Lebron Daep at EJ Gollena upang idikit ang talaan sa unang yugto, 15–18.
Sumiklab naman ang Berde at Puting koponan sa ikalawang bahagi ng tapatan matapos limitahan ang Falcons sa pitong puntos kaakibat ang opensa nina Vhoris Marasigan at Cortez na sinundan pa ng alley-oop slam ni Phillips at no-look pass ni Kean Baclaan kay Bright Nwankwo upang maiukit ang pinakamalaking kalamangan ng mga taga-Taft, 33–25.
Nabuhayan ang mga taga-San Marcelino sa ikatlong kuwarter matapos pumuslit ng tres si Erolon, subalit bumulagta sa San Marcelino-based squad ng corner triple ni Daep at midrange jumper ni Cortez bago sinelyuhan ni Phillips ang bentahe para sa Green Archers, 49–46.
Nanlamig ang talaan pagdako ng ikaapat na yugto matapos ang magkakasunod na turnover ng parehong koponan, 51–all, ngunit umarangkada si Adamson rookie Earl Medina mula sa kanto na agad tinapatan ni Cortez ng apat na magkasunod na puntos bago tuluyang angkinin ni Mason Amos ang panalo gamit ang tirada sa labas ng arko, 60–58.
“Our biggest takeaway is how much we really need each other… We really need everybody to win,” pagbabahagi ni Phillips sa Ang Pahayagang Plaridel tungkol sa natutuhan niya sa rumatsadang laro.
Bitbit ang panimulang 1-0 panalo-talo kartada, susubukang tudlain ng Green Archers ang kanilang ikalawang panalo kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa Smart Araneta Coliseum sa ika-4:30 n.h. sa Sabado, Setyembre 27.
Mga Iskor:
DLSU 60 — Phillips 17, Cortez 16, Daep 8, Amos 6, Marasigan 3, Gollena 3, Abadam 2, Dungo 2, Nwankwo 2, Baclaan 1.
AdU 58 — Manzano 19, Erolon 10, Torres 8, Fransman 5, Medina 5, Ojarikre 4, Perez 4, Tumaneng 2, Anabo 1.
Quarter Scores: 15–18, 33–25, 49–46, 60–58.