
ISINABATAS sa unang regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagrebisa ng University Student Government (USG) Administrative Code at pagbuo ng bagong College Government Code at gabinete sa USG, Setyembre 3. Nagtatakda itong maglatag ng mas malinaw na gabay at estruktura para sa magiging operasyon ng USG para sa kasalukuyan at mga susunod na akademikong taon batay sa bagong konstitusyon.
Reporma sa administratibong operasyon ng USG
Tinalakay nina Law Commission (LAWCOM) President Huey Marudo at Commissioner Basti Araneta ang mga binago at idinagdag na mga probisyon sa kasalukuyang USG Administrative Code. Kabilang sa mga rebisyong ito ang tungkulin ng Office of the Executive Secretary (OSEC) at pagkakaroon ng gabinete at Administrative Appeals Board (AAB) sa USG.
Ibinahagi ni Marudo ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng pangulo na magtalaga ng executive secretary na may pahintulot ng buong Executive Board (EB) ng USG. Intensiyon ding alamin ni Chief Legislator Ken Cayanan ang dahilan sa likod ng pagtatalaga ng executive secretary sa halip na ihalal batay sa nakaraang konstitusyon.
Giit ni Marudo sa sesyon, “The original reason why we didn’t make the executive secretary elected was to ensure that the coordinating body were to answer immediately to the president.” Binigyang-diin niya rin na maaaring patalsikin ng EB ang niluklok na executive secretary sakaling hindi nito magampanan ang responsibilidad ng posisyon nang hindi na kinakailangang sumailalim sa isang lehislatibong proseso.
Tinukoy rin ni Marudo na mapupunta sa OSEC ang pamamahala sa mga cabinet secretary ng gabinete at mga tungkuling administratibo ng USG. Pamumunuan din ng OSEC ang operasyon sa mga yunit gaya ng rules of internal governance, committee manuals, at training and development programs.
Isinalaysay naman ni BLAZE2026 Cedric de Castro na hindi maaaring humawak ng dalawa o higit pang posisyon sa USG ang mga executive officer. Gayunpaman, pinahihintulutan ang mga opisyal na itong lumahok sa mga central committee at ad hoc bodies.
Inusisa naman ni EDGE2023 Una Cruz ang pagpalit ng pangalan sa Department of University Engagements sa naturang code mula sa Department of Activity na nakasaad sa isinumiteng borador ng LAWCOM.
“In our consultations as well as constant communication with the Office of the President (OPRES), the Department of University Engagements and Department of Activities [are] still [up] for discussion since those two things are very different. . . It is up to the knowledge of [the] Legislative Assembly on what to use,” paliwanag ni Marudo.
Bubuoin naman ng tatlo hanggang siyam na miyembro na may chairperson, vice chairperson, at secretary ang AAB na itatalaga ng OPRES. Layon ng naturang board na padaliin ang proseso ng mga apelang may kinalaman sa pagpapatupad ng mga batas, regulasyon, disciplinary action, at pagtatalaga ng mga kawani sa ilalim ng ehekutibong sangay ng USG .
“[It] ensures a proper review and summation of sanctions. . . This safeguard also protects our officers by ensuring sanctions are accurate and due process is followed,” dagdag pa ni Marudo.
Inaprubahan ang panukalang rebisyon sa botong 10 for, 0 against, at 0 abstain.
Bagong yugto ng college government
Inihain ni FOCUS2024 Neil Kyle Maniquis ang bagong College Government Code na naglalayong palakasin ang ugnayan ng USG at College Government (CG). Hangad nitong higit pang bigyan ng kalayaan at kapangyarihan ang mga CG upang epektibong maipatupad ang mga programa ng USG.
Inilatag ng naturang code ang malinaw na estruktura ng mga CG na binubuo ng college president, batch representatives, college representatives, at college legislative board (CLB). Inaatasan din ang CG na magpatupad ng sariling panuntunan upang mapanatili ang kaayusan at pananagutan sa pamumuno.
Binibigyang-kapangyarihan din ng code ang CG na lumikha ng batch government sa mga pagkakataong kinakailangan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ordinansa mula sa CLB.
Humingi naman ng paglilinaw si CATCH2T28 Naomi Reyes sa iba pang pamantayan sa pagtatalaga sa mga bakanteng posisyon ng mga CG bukod sa pinakamatagal nang nanunungkulan sa kanilang kolehiyo. Ipinaliwanag naman ni Marudo na maaaring maghain ng panukalang pag-enmiyenda sa naturang kalipikasyon batay sa pangangailangan ng CG.
Ipinunto rin ni Maniquis na maaaring lumapit ang CG sa USG President upang magtalaga ng opisyal upang humalili sa mga bakanteng posisyon sa pagkakataong walang nagaganap na nominasyon sa loob ng 30 araw.
Naipasa ang naturang batas sa botong 11-0-0.
Pormalisasyon ng USG Cabinet
Inilahad din sa sesyon bilang huling adyenda ang pagbuo ng gabinete sa USG. Ninanais nitong paigtingin ang malinaw na linya ng tungkulin at pamamahala ng USG sa pamayanang Lasalyano. Tiniyak ni Marudo ang mas malinaw na koordinasyon sa ilalim ng bagong sistema sa pamamagitan ng transparency measures gaya ng logbook template para sa monitoring ng mga proyekto.
Bubuoin ng OSEC, Department of Legal Affairs, at Department of Activity Approval and Monitoring (DAAM) ang mga departamento ng gabinete na direktang nasa ilalim ng pamamahala ng OPRES.
Nakasaad sa naturang panukalang kinakailangang mayroong limang akademikong termino at namalagi na sa USG sa loob ng tatlong termino ang itatalaga ng EB bilang executive secretary.
Samantala, iminamandatong hawak ng EB ang operasyon ng Department of Policies, student welfare, university engagements, socio-civic affairs, external engagements, financial operations, at financial assistance.
Pamumunuan naman ng executive secretary ang magiging department board kasama ang deputy secretaries mula sa iba’t ibang departamento ng gabinete.
Kaugnay nito, tinanong ni Cayanan ang magiging proseso at batayan sa pagtatalaga ng magiging executive secretary ng USG. Ipinabatid naman ni USG President Lara Capps na magiging pangunahing batayan ang mga nakamit na merito at kakayahan sa pagpili ng opisyal para sa naturang posisyon.
Tiniyak naman ni Marudo na mariing nakikipag-ugnayan ang LAWCOM sa USG DAAM sa bagong sistema ng gabinete. “We’ve been working with DAAM directly and monitoring the processes, I want to also ensure that my office monitors everything,” sambit pa niya.
Inaprubahan ang panukalang batas sa botong 10 for, 0 against, at 0 abstain.
Gayunpaman, ibinasura ni Capps ang naturang batas sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan bilang pangulo ng USG kahapon, Setyembre 9. Iginiit niyang magiging balakid ang pamantayang bilang ng akademikong termino ng iluluklok na cabinet secretary dahil pinaliliit nito ang oportunidad sa pagpili ng nararapat na opisyal.
Bunsod nito, iminungkahi niyang ibaba sa tatlong akademikong termino ang batayan sa naturang posisyon. “[This] ensures that candidates have sufficient exposure and experience in student government operations. . . while still keeping the position accessible to a wider range of students,” pangangatuwiran ni USG President Capps.