Mga inisyatiba ng ika-15 administrasyon ng USG, itinampok sa huling State of Student Governance 2025

ISINALAYSAY ni De La Salle University – University Student Government (DLSU USG) President Ashley Francisco ang mga programa at adbokasiyang naipatupad sa ilalim ng pamamahala ng ika-15 administrasyon ng USG para sa akademikong taon 2024–2025 sa huli nitong State of Student Governance (SSG) 2025, Agosto 23.

Makulay na serbisyong Lasalyano

Ibinida ni Francisco ang makulay na selebrasyon ng Animo Pride 2025 sa pangunguna ng Office of the President upang ipagdiwang ang pagkakakilanlan ng bawat Lasalyanong kabilang sa komunidad ng LGBTQ+. Itinampok din niya ang kanilang pakikiisa sa mga nakahanay na aktibidad tulad ng Pasabog drag concert at pagsulat ng liham ng pagkakaisa. 

Kinilala naman ni Francisco ang bawat tinig ng mga Lasalyanong kabilang sa komunidad ng LGBTQ+. Saad niya, “Through Animo Pride, we reinforced our commitment to inclusivity and respect for all, reminding us that love should always be celebrated loud and proud.”

Inilunsad din ang kampanyang Sobrang Latina upang manawagang repasuhin ang kasalukuyang polisiya ng latin honors ng DLSU. Nagsagawa ng sarbey, bumuo ng talakayan, at nangalap ng mga testimonya ng mga Lasalyano ang USG upang hamunin ang tradisyonal na pamantayan ng paggawad ng mga naturang parangal. 

Ikinasa naman ng Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA) ang On-site Grounded Student Services Assistance na layong tugunan ang mga suliraning hinaharap ng mga estudyante tuwing panahon ng enlistment. Kabilang sa inisyatibang ito ang pagbubukas ng mga computer laboratory upang magamit ito ng mga Lasalyano sa enrollment.

Sa pangunguna ng OVPIA, ginunita rin ng USG ang kulminasyon ng ika-50 taon ng University Vision-Mission Week (UVMW) na nagbigay-daan sa pagbabalik ng mga paboritong kaganapan tulad ng bazaar, intramurals, battle of the bands, at Animusika. Idiniin ni Francisco na ipinagdiriwang ng UVMW ang pagkakakilanlan ng pamayanang Lasalyano.

Handog sa komunidad

Pinangasiwaan naman ng Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA)  ang iba’t ibang programang nakatuon sa komunidad sa loob at labas ng Pamantasan. Isinagawa ng OVPEA ang Ganda, Gupit Para sa Lahat na naghandog ng libreng gupit sa mga kawani at kalapit na komunidad ng DLSU. Wika ni Francisco, “It is important for the USG to give back to the community that serves as the home of our University.”

Isinagawa rin ang Filipino Youth Summit (FYS) na nilahukan ng 150 delegado mula sa 31 paaralan sa buong bansa. Binigyang-halaga ang civic empowerment, environmental stewardship, at media literacy sa mga talakayan ng FYS upang hubugin ang kaalaman at kakayahan ng mga kabataan sa mga isyung panlipunan.

Pinasinayaan naman ng Office of the Executive Secretary ang centralized site na Veritas Lasalle na naglalaman ng mahahalagang anunsiyo, kalendaryo ng mga kaganapan, at mga inisyatiba ng USG. Layon ng platapormang ito ang pagiging tapat at hayag ng USG sa pamayanang Lasalyano. Muli ring naisakatuparan ang programang TEDxDLSU 2025 na naghatid-inspirasyon sa mga Lasalyano gamit ang mga talumpating hatid ng iba’t ibang kilalang personalidad.

Pinaigting naman ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) ang pagsasakatuparan ng mga pangunahing scholarship program tulad ng Lasallian, Achievers, at Unified Sectoral Scholarship Programs. Pagdidiin ni Francisco, “These initiatives aim to provide financial assistance to students in need of help in terms of their tuition fees.”

Gayundin, ibinahagi ni Francisco na naghatid-tulong din ang OTREAS sa mga Lasalyanong nagnenegosyo sa bisa ng pagkakaroon ng Small Business Subsidy Grant. Gayundin, nakipagtulungan din ang naturang opisina sa GCash at AniMoney upang paigtingin ang kaalamang pinansiyal ng mga Lasalyano.

Inisyatiba ng mga kolehiyo

Itinampok naman ni Francisco ang mga proyekto ng bawat kolehiyo at batch government na nakaugat sa pangangailangan ng mga estudyante. 

Inorganisa ng College Government of Education, sa tulong ng Teach for the Philippines, ang fellowship program ng naturang organisasyon upang palawigin ang oportunidad ng mga estudyanteng nais maging guro bilang kanilang propesyon. 

Ibinida rin ng Computer Studies Government (CSG) ang programang Major Major para talakayin nang malalim ang iba’t ibang pangunahing kurso sa College of Computer Studies. Kaakibat nito, binuo rin ng CSG ang proyektong Get Better na naglalaman ng mahahalagang kagamitan sa pagpapaigting ng kanilang pag-aaral.

Inihandog naman ng Arts College Government (ACG) ng College of Liberal Arts (CLA) ang platapormang Artsys na naglalaman ng mga pangunahing detalyeng makatutulong sa mga estudyante mula sa CLA. Pinangasiwaan din ng ACG ang website na Clear Career upang mapadali ang ugnayan ng mga estudyante sa iba’t ibang kompanya sa labas ng Pamantasan at maging handa sa panahon ng kanilang internship.

Pinangunahan naman ng School of Economics Government ang School of Economics Week na ginunita sa pagkakaroon ng mga pagsasanay sa mga importanteng aplikasyong ginagamit ng mga estudyante. Samantala, isinakatuparan ng Engineering College Government ang Project Kaya na nakatuon sa pagbibigay-halaga sa bawat suhestiyon at boses ng mga Lasalyano mula sa Gokongwei College of Engineering.

Ibinida rin ni Francisco ang proyektong One-Day Exchange Program ng Business College Government at BLAZE2026. Nagkaroon ng isang araw na palitan ng mga estudyante mula sa Ramon V. Del Rosario College of Business ng DLSU at John Gokongwei School of Management ng Ateneo de Manila University upang bumuo ng malalim na koneksiyon ang dalawang nangungunang Pamantasan sa larangan ng negosyo.

Isinalaysay rin ng pinuno ng USG ang mga proyektong naisagawa ng Laguna Campus Student Government (LCSG). Kabilang dito ang pagsasagawa ng libreng konsulta para sa Polycystic Ovary Syndrome at Human Papillomavirus sa paggunita ng Women’s Month ngayong taon. Binigyang-halaga rin ang Yakap Advocacy Run ng LCSG na tumataguyod sa iba’t ibang adbokasiya tulad ng mental na kalusugan at pagpapahalaga sa karapatan ng kababaihan.

Bilang pagtatapos, ipinaabot ni Francisco ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng bumubuo ng kaniyang administrasyon at sa pamayanang Lasalyano para sa kanilang patuloy na pagsuporta at pakikilahok sa mga programa ng USG.

Hinihimok ni Francisco ang mga estudyanteng maging tagapagtaguyod ng diwa ng pagiging Lasalyano. “Continue shaping the Lasallian University through empathy, integrity, and inclusive leadership,” pagtatapos niya sa kaniyang talumpati.