
SINUKBIT ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang kanilang ikaanim na sunod na panalo matapos pabagsakin ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25–22, 22–25, 25–17, 25–17, sa pagpapatuloy ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 6.
Kinilala si DLSU libero Sherwin Retiro bilang Best Player of the Game matapos magtala ng 13 excellent reception at 12 excellent dig na nagsilbing pundasyon ng matatag na depensa ng Green Spikers.
Pinangunahan naman ni opposite spiker Amil Pacinio ang pag-alpas ng Blue Eagles matapos kumamada ng 21 puntos mula sa 20 atake at isang service ace, habang umagapay si Kapitan Jian Salarzon sa bisa ng 13 marka.
Mabagal ang naging panimula ng sagupaan bunsod ng palitan ng service error ng dalawang koponan, 6–5, bago magpakawala si outside hitter Eugene Gloria ng magkakasunod na atake kabilang ang crosscourt hit upang tuluyang masikwat ang unang set, 25–22.
Bumawi ang Blue Eagles sa ikalawang yugto matapos salagin ni Kristofer Alejos ang opensa ni DLSU middle blocker Issa Ousseini, 3–all, bago nagpamalas si Pacinio ng service ace at bumida si Julio Yu ng matikas na atake upang itabla ang serye, 22–25.
Umarangkada ang Taft-based squad sa ikatlong set sa bisa ng magkakasunod na tirada at service ace nina Chris Hernandez at Rui Ventura upang iangat sa anim na marka ang bentahe, 17–11, hanggang sa tuluyang tinuldukan ni Hernandez ang minamataang panalo ng Loyola-based squad mula sa service line, 25–17.
Pagpatak ng huling set, magkasunod na unforced error ang tumambad sa Blue Eagles na sinamantala ng combination play nina Ventura at Gloria na naghandog ng limang puntos na kalamangan sa Green Spikers, 21–16, bago siilin ng block ni opposite hitter Michael Fortuna ang tagumpay, 25–17.
Bitbit ang malinis na 6-0 panalo-talo kartada, tatangkaing selyuhan ng Green Spikers ang top seed sa semifinals kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa parehong lunan sa Oktubre 1.