Green Spikers, pinugto ang Tamaraws sa V-League

Retrato mula V-League

SINUNGGABAN ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang kampo ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 29–27, 25–14, 12–25, 21–25, 15–13, sa pagpapatuloy ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Agosto 30.

Hinirang na Best Player of the Game si outside hitter Chris Hernandez matapos magrehistro ng 16 na puntos mula sa 13 atake, dalawang block, at isang ace, kaakibat ang 21 excellent reception at pitong excellent dig.

Pinangunahan naman ni opposite hitter Zhydryx Saavedra ang FEU Tamaraws matapos magtala ng 21 puntos.

Maagang nagpasiklab ang dalawang koponan, ngunit nasikwat ng Green Spikers ang momentum sa bisa ng matalim na atake ni Hernandez, 10–all, na tuluyang tinapos ng regalo mula sa gitna handog ni Issa Ousseini, 29–27.

Tangan ang momentum mula sa naunang set, rumatsada ang Taft-based squad sa bisa ng down-the-line hit ni Hernandez, 16–10, na tinuldukan ng kill block ni outside hitter Eugene Gloria, 25–14.

Nagpasiklab ng 8–0 run ang Tamaraws sa pag-usbong ng ikatlong set, 4–13, na sinubukang putulin ng crosscourt hit ni Hernandez, ngunit naging dominante sa gitna si Lirick Mendoza upang paigtingin ang serye, 12–25. 

Sumibol ang pag-asa para sa koponan mula Taft nang magpakawala ng limang service ace si Hernandez upang itabla ang talaan, 15–all, subalit muling nanaig ang mga taga-Morayta matapos ang magkakasunod na atake ni Saavedra mula sa kanan, 21–25.

Gitgitang bakbakan ang ipinamalas ng dalawang hanay sa umpisa ng huling set bago tumudla ng puntos ang DLSU mula sa off-the-block hit ni opposite hitter Michael Fortuna na siyang sinagot ng off-the-block hit ni FEU outside hitter Amet Bituin, ngunit ikinasa ni Gloria ang panalo matapos kumaripas ng backrow hit, 15–13. 

Tangan ang malinis na 5-0 panalo-talo kartada, tatangkaing panatilihin ng Green Spikers ang kanilang tikas kontra Ateneo de Manila University Blue Eagles sa parehong lunan sa ika-12:00 n.h. sa Sabado, Setyembre 6.