Green Spikers, nanalasa kontra Letran Knights

Retrato mula V-League

BINUWAG ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang hanay ng Colegio de San Juan de Letran Knights, 25–16, 25–22, 22–25, 25–20, sa pagpapatuloy ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Agosto 23.

Kinilala si Green Spiker Chris Hernandez bilang Best Player of the Game matapos magrehistro ng 22 puntos mula sa 17 atake, tatlong block, at dalawang service ace, kaakibat ang 12 excellent reception at 10 excellent dig.

Pinangunahan naman ni outside hitter Chester Ambrosio ang Letran Knights matapos magtala ng 15 puntos.

Nagpasiklab agad ang Green Spikers nang buksan ni Hernandez ang unang set sa bisa ng dig point mula sa unang serve ni Ezer Rigodor, na sinundan pa nila ni middle blocker Issa Ousseini ng block upang agawin ang kalamangan, 3–0, bago tuldukan ni Yoyong Mendoza ang set sa bisa ng crosscourt kill, 25–16.

Muling nagpakawala ng matinding depensa si Ousseini nang harangan ang atake ni Felix Bermido habang pinanatili naman ng mga unforced error ng Letran Knights ang agwat, bago muling nakalusot si Mendoza sa solidong pader nina Nathan Ciriaco at Dave Lardizabal upang tapusin ang set, 25–22.

Nabahala ang Green Spikers nang magtamo ng injury sa kamay si opposite spiker Rui Ventura matapos subukang harangan ang atake ni Maximuz Lopez, na siyang sinamantala ng Letran sa pangunguna ng magkakasunod na block ni Ambrosio kay Richard Nunag upang paigtingin ang salpukan, 22–25.

Sinubukan pang humabol ng Knights sa ikaapat na set matapos pumuntos nina Derrick Bautista at Ambrosio sa gitna ng mahahabang rally, ngunit nanatiling kontrolado ng Green Spikers ang salpukan bago tuluyang selyuhan ni Ousseini ang panalo gamit ang matikas na quick attack, 25–20.

Bitbit ang malinis na 4-0 panalo-talo baraha, tatangkaing ipagpatuloy ng Green Spikers ang kanilang pananalasa kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa parehong lunan sa ika-12:00 n.h. sa Martes, Agosto 26.