
PINAPUSYAW ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang ningning ng National University (NU) Bulldogs, 25–17, 25–15, 33–31, sa kanilang unang paghaharap sa 2025 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Agosto 12.
Ibinandera ni Best Player of the Game Issa Ousseini ang siyam na puntos mula sa apat na atake, apat na block, at isang ace.
Samantala, pinangunahan naman ni Mac Arvin Bandola ang Jhocson-based squad tangan ang 14 na atake.
Maagang nagpasiklab ang dalawang koponan, ngunit napasuko ang NU sa matatag na pader nina DLSU outside hitter Eugene Gloria at Ousseini bago tuluyang tinapos ni opposite hitter Michael Fortuna ang unang set sa bisa ng crosscourt hit, 25–17.
Bitbit ang momentum mula sa naunang set, rumatsada ang Taft-based squad sa magkakasunod na service ace ni outside hitter Chris Hernandez na sinabayan pa ng mabilisang sibat mula kay Ousseini upang tuluyang basagin ang pag-asa ng NU, 25–15.
Gitgitang bakbakan ang rumatsada sa pagitan ng magkabilang hanay, subalit nagpakawala ng matatalim na tirada ang Green Spikers sa pangunguna nina opposite spiker Rui Ventura at Uriel Mendoza na bumutas sa depensa ng Bulldogs, 33–31.
Baon ang malinis na 2-0 panalo talo baraha, susubukang tudlain ng Green Spikers ang De La Salle – College of Saint Benilde Blazers sa parehong lunan sa ika-12:00 n.h. sa Linggo, Agosto 17.