Suites: Lakbay-indak sa mga isyung panlipunan

Hindi basta salita o tunog ang sining ng pagsasalaysay—isa itong paglikha ng puwersang kayang bumasag sa katahimikan. Sa pagitan ng mga galaw at kumpas, isinisilang ang mga panawagan. Sa bawat buhos ng damdamin, gumigising ito sa mga diwang matagal nang pinatahimik at nagbibigay tinig sa mga himig na matagal nang ikinubli.

Sa ganitong layunin, isinabuhay ng La Salle Dance Company–Contemporary (LSDC-Contemporary) ang kanilang ika-44 na anibersaryo. Sa “Suites: 44th Anniversary Dance Concert” sa Teresa Yuchengco Auditorium nitong Hunyo 28, ginamit ng grupo ang sining ng sayaw—hindi lamang bilang anyo ng ekspresyon kundi bilang porma ng paninindigan. Sa bawat indak, tinatalakay ang mga isyung panlipunang madalas isantabi—mula sa identidad at kalayaan hanggang sa pakikibaka’t pag-asa. 

Pinangunahan nina Peter Alcedo Jr., Rhosam Prudenciado Jr., at Winchester Lopez ang koreograpiya sa mga piyesang isinalaysay sa pamamagitan ng pag-indak. Sa bawat sayaw na inihandog sa entablado, samot-saring isyu sa kasalukuyan ang nabigyan ng atensyon. Unti-unting lumaganap ang kadiliman sa paligid at umusbong ang tanging ilaw sa gitna ng entablado—hudyat na magsisimula na ang pagtatanghal upang gisingin ang damdamin ng madla.

Kislap ng pag-asa

Binuksan ng LSDC–Contemporary ang selebrasyon kaakibat ang imahen ng tubig at araw sa kanilang sayaw na “Gathering Light.” Sa mahinhin, balanse, at tiyak na mga galaw, naiparamdam sa unang bahagi nito ang pagiging taimtim. Ngunit mula sa isang kalmadong tinig, napalitan ito ng agresibong kantang nagbigay naman ng ningning at pag-asa. 

Sa pagbibigay pahapyaw sa mga isyung panlipunan, hinamon nito ang mga manonood at binigyang kulay ang katotohanang mahirap maabot ang kapayapaan. Sinasalamin din ng kanilang mga ekspresyon ang pagnanais ng pag-asa at ginhawang siyang pinakapuso ng kanilang pagtatanghal.

Nangibabaw naman sa mata ng madla ang mga bagong kulay ng kasuotan sa entablado. Pisikal na paghahayag ng damdamin at tibok ng puso bilang musika ang tanging mga sangkap na ginamit sa ikalawang pagtatanghal na “Under the Rainbow.” Dito lalong umusbong ang pagkamalikhain ng sayaw, sapagkat imbes na lantarang ihayag ang kuwento, pinili nilang gamitin ang sining ng pagpapahiwatig.

Winakasan ang sayaw gamit ang musikang may kapangyarihang mang-akit at manghikayat na sumama sa pakikibaka para sa pantay na karapatan ng bawat kasarian. Kaakibat ng pagyakap sa sariling kulay ang pagtindig sa sentro ng pakikibaka para sa lipunang may tunay na pagtanggap at espasyo para sa mga homoseksuwal. 

Pula’t bughaw

Nagsimula ang sunod na sayaw na “Ligaw” sa magkakaagapay na alon ng mga katawan—simbolikong paglalakbay ng mga katutubong patuloy na humihingi ng pagkalinga. Ipinamalas dito ang mapait na katotohanang kahit paulit-ulit silang kumakatok sa pintuan ng batas, nananatiling sarado ang katarungan sa kanilang panig. Naging testimonya ang sayaw na ito sa realidad na ginagamit ang armas ng takot upang higit na lumawak ang yaman ng mga nakaaangat. 

Ipinakita naman sa “Weaving Her Story” ang katotohanan ng mga kababaihang sinisikil ng patriyarkal na lipunan. Sa kabila ng tanikalang gumagapos sa kanila, patuloy silang kumilos, tumindig, at lumaban.

Dama ang bawat yugto ng pakikibaka sa indak ng musika—kasabay ang kulay pulang kumakatawan sa pag-ibig, panganib, at tapang. Ngunit humupa ang lahat sa isang malumanay na awit, na nagbigay-diin sa kabaligtaran ng pula—ang bughaw. Sa huli, nagsanib ang bisig ng mga mananayaw na pilit humulagpos mula sa kawalang hininga.

Trahedya ng realidad

Sa bahaging “Kung ‘Di Man,” isinuot ng mga mananayaw ang Filipiñana—damit na nagsilbing tulay sa nakaraan—at isinabuhay sa entablado ang gunita ng isang panahong makaluma. Hango sa pariralang “kung ‘di man” ang mga awit ng kundiman, na nagpaalala sa madla sa isang uri ng pag-ibig na hindi nasusuklian ngunit nananatiling tapat at dalisay.

Mula sa lirikong “hanggang sa dulo ng walang hanggan, hanggang sa matapos ang kailanman,” nabigyang hustisya ang lalim ng pag-ibig na hindi kailangang masuklian dahil sapat nang maipadama ito sa sinisinta. Ngunit hindi ito ang pinakapuso ng sayaw. Sa huli, itinuro ng mga mananayaw ang bandila ng Pilipinas—simbolo ng bayang sawi sa pag-ibig. Isang bayang paulit-ulit na umiibig, ngunit nauuwi sa kabiguan at pagiging martir.

Ipinamalas din ang dagsa ng mga tao sa Maynila, ang usok ng polusyong malalanghap, at ang mabilis na pag-apaw ng baha sa kalsada. Hindi isang engrandeng telenovela ang buhay sa lungsod. Ito ang imaheng ipininta sa “Manila, Manila!,” ang huling sayaw para sa selebrasyon ng LSDC–Contemporary. Pokus nito ang isang karakter na yumayakap sa isang dilaw na bestida at may dala-dalang dilaw na maleta—pinapahiwatag ang kaniyang pagiging bagong salta sa siyudad. Hindi natatangi ang karakter sa ibang lumuluwas sa Maynila na may dalang pangarap at hangarin. Sa bawat pagbagsak o pagkabigong dala ng Maynila, siya ring pagbangon at paglapit sa hangad na estado ng tagumpay.

Pagkabuo ng muwang 

Ibinulgar ng anim na sayaw ang mga isyung panlipunang inangkin nila sa pamamagitan ng pagpinta ng tunay nitong mga kulay. Pilit na binigyang-linaw ang mga paningin at pinanatiling mulat ang mga mata ng taong bayan. 

Binigyang-laya sa entablado ng LSDC–Contemporary ang mga hinaing ng iba’t ibang sektor ng bayan na matagal nang isinantabi at pinagkaitan ng puwang sa lipunan. Isiniwalat sa awditoryum ang mga katotohanan sa likod ng bawat galaw—mga karanasang inihayag sa wika ng sayaw. Sa pamamagitan ng paglikha ng makabuluhan at walang kinikilingang sining, ninais ng organisasyong maging kabahagi sa dahan-dahang pagbangon ng lahat.