Lov3Laban 2025: Sa ngalan ng bawat kulay sa bahaghari

Kuha ni Kyle Benito

Binigyang-kinang ng komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersexual, Asexual at iba pa (LGBTQIA+) ang kalawakang nagbigay-laya upang mailantad ang kani-kanilang pagkatao. Iwinagayway nila ang mga makulay na watawat at itinaas ang mga bitbit na karatula sa ilalim ng tirik na araw sa University of the Philippines (UP) Diliman upang gunitain ang Lov3Laban na handog ng Pride PH nitong Hunyo 28. 

Pinagbuklod ng iisang panawagan ang iba’t ibang henerasyon at sektor ng lipunan upang ipamalas ang kanilang matatag at walang hanggang suporta para sa komunidad ng LGBTQIA+ at mga nasa laylayan ng lipunan. Sabay-sabay na nagmartsa ang mga dumalo sa tanyag na UP Academic Oval habang isinisigaw ang “Makibeki, ‘wag mashokot!”—isang panawagan para sa pantay na karapatan ng lahat.

Iisang patutunguhan

Sa kabila ng init, pawis, at dagsa ng mga sumusuporta, piniling manatili ng mga nais tumindig para sa mga LGBTQIA+ at sa mga karapatan ng mga sektor ng lipunang hindi gaanong nabibigyan ng pansin. Kabilang ang mga sektor ng edukasyon, manggagawa, kabataan, kababaihan, at agrikultura sa mga nagmartsa at nagprotesta ng kanilang adbokasiya. Bagaman tunay na nakapapagod ang Pride March dulot ng sunod-sunod na programa mula umaga hanggang gabi, bakas sa diwa ng mga dumalo ang kahandaan nilang lumaban.

Nagpapahinga sa tapat ng Oblation kasama ang kaniyang mga kaibigan si Kathryn* nang lapitan siya ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) para sa isang panayam. Malugod na ibinahagi ni Kathryn, isang 31 taong gulang na nagpakilala bilang gay, na ito ang kaniyang pang-anim na beses na pagsali sa Pride March. Aniya, “We want the SOGIE bill to pass after 25 years, but aside from that ‘yung pakikibaka ng manggagawa, kabataan, kababaihan, kasama na ‘yung mga taong nasa Palestine at Iran.”

Hindi lamang mga miyembro ng LGBTQIA+ ang pokus ng pagdiriwang na ito. Tulad ng pahayag ni Kathryn, isang protestang lumalaban para sa mga hindi kayang tumindig ang Pride March. Sa patuloy na pakikibaka, malayo pa ang mararating ng ating lipunan sa pagiging progresibo, pagtanggap sa mga LGBTQIA+, at pagkakaloob ng pantay na karapatan sa lahat.

Yakap ng pagtanggap

Pagtapos ng Pride March, nagtipon-tipon ang mga dumalo sa Sunken Garden at mga kalapit na lugar nito para sa mga booth at programang nakalaan sa gabi. Pasulpot-sulpot man ang ulan at nagsisimula nang dumilim ang kapaligiran, tuloy-tuloy pa rin ang pagtindig ng mga sumusuporta para sa mga pagtatanghal na handog ng Pride PH. 

Kabilang sa Lov3Laban Concert ang mga sikat na artista at influencer tulad nina Klarisse De Guzman, Rapha at Gian mula Cup of Joe, Janine Berdin, Michelle Dee, Sassa Girl, Pipay, at Queen Dura. Nakiisa rin ang mga ally tulad ni Rhian Ramos at ng P-Pop group na BGYO sa entablado upang maging boses ng pagtanggap kasama ang libo-libong mga kaalyadong dumalo.

Nakatayo naman malapit sa mga booth si Lexie, isang ally, kasama ang kaniyang mga kaibigang may makulay na mga suot at makeup, nang kapanayamin siya ng APP. Ayon sa kaniya, handa siyang bigyang-suporta ang kaniyang mga kaibigang LGBTQIA+ sa kabilang ng pagod at paiba-iba ang panahon. Wika niya, “Dedma kung umulan o bumagyo, ang mahalaga suportahan namin ‘yung mga part ng LGBT po.” 

Sa pahayag ni Lexie, makikitang laging may kapanalig ang LGBTQIA+ at maraming buong pusong nagmamahal at tumatanggap sa kanilang pagkatao. Higit pa rito, katibayan ang suportang ito na mayroong komunidad na handa at tuluyang lumalaban para sa karapatan at pagmamahalan ng mga LGBTQIA+. 

Higit pa sa kolorete

Habang lumalalim ang gabi, patuloy ang pagdating ng mga taong bitbit ang sarili sa iba’t ibang kulay ng kasuotan at kolorete. Sa kinang ng bistidang suot, tingkad ng kulay sa mata at pisngi, at bigat ng mga pakpak sa likod, nagmistulang entablado ng beauty pageant ang bawat kalsadang nilalakaran. Walang nagpatalo sa pagandahan at sinigurong nag-iwan ang bawat yapak ng kani-kanilang mga tatak sa paligid ng UP Diliman.

Siksikan man ang ang paligid pero hindi mararamdaman ang kipot ng espasyo. Pinalilibutan din ang mga kanto ng samot-saring booth na pagmamay-ari ng queer community at mga kaalyado nito. Sa gitna ng mataong hanay ng mga paninda, waring may sariling liwanag ang puwesto ng Golden Bekis. Iba’t ibang uri ng produkto ang inihahandog nila para sa mga taong naroroon—hindi lamang upang magdiwang ng kanilang pagkatao, kundi upang manindigan at ipaglaban ang kanilang karapatan.

Sa panayam ng APP, iginiit ni Brenda Quinones, 70 taong gulang, makeup artist, at bahagi ng grupong Golden Bekis, ang kahalagahan ng kontribusyon ng mga taong bahagi ng LGBTQIA+ sa mundo. Binigyang-diin niya ang mga ambag ng LGBTQIA+ sa larangan ng sining at industriya ng aliwan. Ayon sa kaniya, may puwang sa mundong ito na tanging mga bahagi lamang ng LGBTQIA+ ang makapupuno. Aniya, “Ang bakla, [may] talento. Dahil kung walang bakla sa mundo, palagay mo kaya, magiging masaya ang mundo?” 

Sa pahayag ni Quinones, makikitang mayroong nararating ang bawat alingawngaw ng sigaw ng mga taong bahagi ng LGBTQIA+ at ang mga kaalyado nito sa kalsada. Maaaring mahinang bulong lamang ang boses nina Brenda, Kathryn, at Lexie sa labang isinasagawa. Ngunit sa pagtitipon ng bawat tinig sa iisang lugar, nagiging koro ang sabay-sabay na hiyaw sa kalyeng minamartsahan tungo sa kalayaang inaasam.

Tinig ng komunidad

Hindi lamang sigaw ng protesta ang dumadagundong tuwing Pride Month. Maririnig din ang paggamit ng natatangi nilang wika at bokabularyong inimbento ng komunidad. Ngunit hindi lamang ito basta lengguwaheng sila-sila lamang ang nakauunawa. Sa bawat sambit ng kanilang salita, nagsisilbi rin itong wika ng pagmamalasakit, pagtanggap, at pag-unawa sa pagkatao at pakikibaka ng mga komunidad sa lansangan. Isa itong anyo ng pag-intindi sa mga pinagdaanan at nilakbay ng mga kapuwang LGBTQIA+ upang marating ang kanilang estado ngayon—ang malayang maipahayag ang sarili sa iisang kalsada.

Pinatunayan ng tagumpay ng Lov3Laban 2025 na hindi lamang pagdiriwang kundi isang anyo ng paglaban ang Pride March—paglaban para sa pag-ibig na paulit-ulit isinasantabi, para sa karapatang maipakita ang sarili nang walang pag-aatubili, at para sa marangal na pamumuhay sa sariling bayan. Higit pa sa kalsadang makukulay, bandilang iwinawagayway, o tindahang may sari-saring identidad na inilalarawan sa mga produkto matatagpuan ang diwa ng Pride. Bagkus, makikita ang pagsasabuhay nito sa puso ng bawat taong bahagi ng komunidad ng LGBTQIA+ na patuloy na lumalaban at buong tapang na pinapahayag ang kanilang pagkatao. Sa pagdiriwang ng Pride, palaging may espasyong inuukit para sa mga LGBTQIA+. Dito maririnig ang kanilang mga tinig, at siguradong may lugar ang bawat pusong pumipintig, anuman ang kasariang iniibig. 

*hindi tunay na pangalan