
SUMASAILALIM sa plebisito ngayong General Elections 2025 ang panukalang pagsusog sa Konstitusyong 2021 ng University Student Government (USG) na inihain ng Legislative Assembly (LA) at Law Commission (LAWCOM).
Matatandaang tinimbang sa ikatlong regular na sesyon ng LA ang ilan sa mga potensyal na pagbabago at kalaunang ipinasa ang panukalang batas para sa naturang pag-enmiyenda sa ikasiyam na espesyal na sesyon.
Ninanais tugunan ng mga nirebisang probisyon sa Kontitusyon ng USG ang kakulangan sa mga inihahalal na posisyon sa ehekutibong sangay ng USG, nakalilitong proseso ng mga dokumento, at mahinang pakikipag-ugnayan sa mga Campus Student Government (CSG) ng De La Salle University.
Paglalagom sa bagong konstitusyon
Isinalaysay ni Law Commissioner Atlas Alviar ang mga binagong probisyon sa kasalukuyang Konstitusyon ng USG sa isinagawang press conference ng LA nitong Hulyo 9. Idinetalye niya ang lahat ng pagbabago tulad ng pagbubuo ng mga campus government, pagbabago sa mga posisyon ng executive board (EB), at pagtanggal sa mga batch government.
Pinahintulutan sa bagong konstitusyon ang karapatang magkaroon ng campus government ang lahat ng kampus na may dalawa o higit pang kolehiyong nag-aalok ng mga undergraduate program.
Binibigyan din ng karapatan ang mga kolehiyo sa ibang mga kampus na magkaroon ng isang college representative at isang college legislator para epektibong paigtingin ang representasyon para sa bawat kampus. Kaakibat nito, isasama ang mga campus president tulad ng kasalukuyang Laguna Campus Student Government (LCSG) campus president sa EB ng USG.
Isinama rin sa probisyon ang pagbuo ng Gabinete na bubuoin ng EB at ng itatalaga nilang executive secretary at mga opisyales. Sasailalim ang mga itinalagang opsiyales ng pagsusuri mula sa LA, maliban lamang sa maihahalal na executive secretary.
Tinanggal din ang probisyon para sa mga batch government at ipauubaya na ang desisyon sa pagbuo ng mga ito sa bawat college government. Tatawagin na bilang batch representative ang mga batch president at magiging bahagi sila ng College Government Executive Board, samantala magiging bahagi ng College Legislative Board ang mga batch legislator.
Wawakasan na rin ang posisyon ng batch vice president dahil, ayon sa LA, mas magiging madali ang pagtakbo ng mga tandem sa bawat batch. Samantala, bukas naman sa bagong konstitusyon ang paglikha ng katulad na posisyon sa hinaharap sakaling maituturing itong kinakailangan.
Tinalakay rin sa ikatlong regular na sesyon ng LA nitong Marso ang pagbuo ng Administrative Appeals Board para sa epektibong sistema ng judicial impeachment. Dagdag pa rito, magkakaroon ng hurisdiksyon bilang tagapamagitan ang grupo sa mga administratibong isyung maaaring maganap.
Nagdagdag din sila ng karagdagang probisyon bilang safety net upang pahabain ng Dean of Student Affairs ang pagsusumite ng deadline, filing period, at voting period hangga’t walang presidente, bise presidente, at sapat na bilang na miyembro ang LA pagkatapos ng special elections.
Ipinahiwatig ni LAWCOM President Sebastian Diaz sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa mga opisina ng USG, mga college at batch government, LCSG, at ang kasalukuyang EB para sa mga binagong probisyon. Gayunpaman, iginiit ni Diaz na tiwala silang makatutulong nang husto ang bagong konstitusyon sa pagpapabuti ng operasyon ng USG.
Ibinahagi naman ng isa sa mga kinatawan ng LCSG na tugma ang mga pag-eenmiyendang nakikita sa bagong Konstitusyon ng USG sa kanilang mga naging talakayan upang mabigyan ng karampatang representasyon ang kampus ng Laguna.
Agam-agam ng mga Lasalyano
Iginiit ni officer-in-charge Chief Legislator Julienne Valenciano sa APP na hindi pa ganap na handa ang bagong Konstitusyon ng USG. “Kinakailangan pa sana ng mas mahabang panahon para sa konsultasyon at masusing pagsusulat ng panukalang-batas. Hindi ito dapat minadali,” paglalahad niya. Matatandaang si Valenciano ang tanging sumalungat sa panukalang-batas para sa pag-enmiyenda ng Konstitusyon USG nitong ikasiyam na espesyal na sesyon ng LA.
Tinukoy niya ang Article X: College Governments bilang isa sa mga probisyong naging dahilan ng kaniyang pagsalungat dahil walang malinaw na probisyon sa proseso upang makabuo ng pinal na desisyon para sa Rules of Internal Governance ng College Government Executive Board. Paliwanag niya, nagbubukas ito ng posibilidad ng sentralisasyon ng kapangyarihan sa college president na maaaring sumangga sa layuning magkaroon ng pantay-pantay at makatarungang representasyon ng bawat batch.
Binigyang-diin ni Valenciano na bilang tagapangulo ng Rules and Policies Committee, walang konsultasyon na naganap kasama ang kanilang komite upang talakayin ang mga rebisyon. Aniya, nabasa lamang niya ang panukalang-batas sa mismong araw na inilatag ito sa plenaryo.
Bukod dito, naniniwala si Valenciano na mas mainam na nagkaroon muna ng organisadong pakikipag-ugnayan sa pagitan ng LA at EB bago ito ipasa nang hindi lubusang nauunawaan.
Ipinaabot din ng ilang mga batch legislator sa isinagawang press conference ang kanilang mga pag-aalinlangan sa ilang probisyon ng bagong konstitusyon.
Iniakyat naman ni FOCUS2024 batch legislator Pauline Galias ang pagkakataong sakaling walang maitalagang legislator ang isang kolehiyo. Ipinaliwanag naman ni Alviar na maaari itong bigyang-diskusyon ng LAWCOM sa tulong ng LA dahil iniiwasang mangyaring saluhin ng iisang lehislador ang tungkulin ng isang buong kolehiyo.
Ikinabahala rin ni BLAZE2025 Batch Legislator Iñaki Saldaña ang pagtatalaga ng mga tauhan sa Gabinete ng USG sa gitna ng banta ng nepotismo. Saad ni Alviar, “The heads of these administrative agencies cannot be previous candidates to give chance to competent students with integrity who do not have any attachments or memberships to political parties.”
Sa kaniyang panayam sa APP, inisyal na ikinagulat din ni USG President Ashley Francisco nang mabalitaan ang pag-enmiyenda sa naturang konstitusyon. Gayunpaman, matapos mabasa ang buong rebisyon, naniniwala siyang mapaiigting nito ang kalagayan ng operasyon ng USG sa hinaharap.
Kinabukasan ng USG
Naniniwala si Diaz na mapadadali ang operasyon ng pangangasiwa ng USG dahil may karampatang kakayahan na silang tugunan ang mga suliraning kahaharapin sa mas pinalawak na lehislasyon. Idinagdag pa niyang maaaring bumuo ng kani-kaniyang mekanismo ang CSG at mga college government batay sa pamamahalang naaayon sa kanilang pangangailangan tulad ng pagtatayo ng mga batch government.
Tinukoy rin ni Diaz na magiging sentralisado ang gampanin ng EB dahil sa probisyong pagbuo ng Gabinete na papalit sa dating mga komite o departamento ng USG. “Dahil dito, maaaring magpokus ang bawat miyembro ng executive board sa kani-kanilang mga mandato dahil alam nilang may mga miyembro ng Gabinete na nakatuon ang pansin sa mga bagay na hindi nila hinahawakan,” paliwanag niya.
Tiniyak ng isang opisyal ng LCSG na bagaman magiging pareho pa rin ang operasyon ng kanilang campus government, mas magkakaroon naman ito ng plataporma upang magmungkahi ng mga polisiya at proyekto para sa mga Lasalyanong nasa kampus ng Laguna. Ngunit, dagdag pa niya, kinakailangan ng mas bukas na komunikasyon mula sa mga opisyales sa kampus ng Maynila upang ganap itong mangyari.
Inanyayahan naman ni Valenciano ang mga Lasalyanong suriing mabuti ang panukalang konstitusyon. “Mahalagang tandaan na ang desisyong ito ay hindi dapat nakabatay lamang sa tanong kung mas marami ba ang mabubuting probisyon kaysa sa mga hindi kanais-nais. Kung may kahit isang probisyon na maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto o problema, ito ay sapat na batayan upang pag-isipang muli ang inyong boto kung sasang-ayon kayo rito,” tindig niya.
Nananalig din si Francisco na mapabibilis nito ang internal na operasyon ng USG dahil nakaugat ang mga pagbabago sa pangangailangan ng mga opisina at kolehiyo. Iginiit niya ring maiibsan nito ang student disenfranchisement at mga puwang sa posisyong karaniwang nauuwi sa pagkabagot ng mga estudyante.
Nakasalalay ang kapalaran ng bagong konstitusyon sa kamay ng mga Lasalyanong boboto sa General Elections 2025.