Impluwensiya ng USG sa mahahalagang pagpapasiya ng administrasyon, kinilatis

Likha ni Josh Chandler Velasco

IGINIIT ng University Student Government (USG) ang lumalawak nitong impluwensiya sa mahahalagang desisyon ng administrasyon ng De La Salle University. Ilan sa mga ito ang patakaran sa matrikula at repormang pang-akademiko hanggang sa polisiya ukol sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) at mga usaping nakasentro sa kapakanan ng mga Lasalyano.

Ibinahagi ni Vice President for Internal Affairs (VPIA) John Josel Bautista sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga aktibong kaparaanan ng USG upang makaimpluwensiya sa mga polisiyang may direktang epekto sa mga estudyante. Kabilang dito ang pagsusulong ng representasyon, pangangalap ng datos, at ang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang opisina ng Pamantasan.

USG bilang tulay sa makataong polisiya

Ipinunto ni Bautista na kinikilala ang USG bilang lehitimong stakeholder sa mga desisyong isinasagawa ng Pamantasan. Aniya, sa ilalim ng Students’ Charter, may akses ang kanilang mga opisyal sa mga multisektoral na komite, na nagsisilbing plataporma para ilatag ang kanilang mga datos, saloobin, at mungkahi.

Kabilang sa mga multisektoral na komiteng aktibong nilalahukan ng USG ang Enrollment Council. Ani Bautista, inilalahad nila dito ang mga saloobin ng estudyante batay sa datos na kanilang nakalap mula sa mga post-enlistment survey.

“Nagkakaroon kami ng pagpupulong kada termino kasama ang Enrollment Council na binubuo ng Office of the University Registrar, mga [dekano] ng bawat kolehiyo, Information Technology Services, at iba pa. Dito, ipinepresenta ng USG ang mga nararanasan na problema ng mga mag-aaral tungkol sa enlistment at pre-enlistment. . . kalakip [ang] solusyon o suhestiyon ng aming pangkat sa Enrollment Council,” pagpapalawig ni Bautista.

Ibinida ni Bautista na bunga ng kolektibong pakikilahok na ito, naibalik ang paggamit ng mga laboratoryong pangkompyuter tuwing enlistment period. Dagdag pa niya, isinusulong din ng USG ang mga panawagan gaya ng 0% pagtaas ng matrikula sa administrasyon gamit ang mga demograpikong datos ng mga estudyanteng magbibigay-katuwiran sa mungkahing ito.

Bukod dito, binigyang-diin ni Bautista ang mga patakarang kanilang direktang naimpluwensiyahan. Kabilang dito ang pagsasapinal ng mga panuntunan sa etikal na paggamit ng AI sa Pamantasan katuwang ang mga estudyante at ang mga kinauukulan, gaya ni Dr. Thomas Tiam-Lee, director for AI Integration. 

Naging matagumpay rin aniya ang USG sa pagsusulong ng insentibo para sa mga estudyanteng dumadalo at sumusuporta sa mga larong pampalakasan tulad ng mga laro sa University Athletic Association of the Philippines sa pakikipagtulungan sa Office of Sports Development at Department of Physical Education ng Pamantasan. 

Bagama’t kinikilala at inaanyayahan sa mga pulong, aminado si Bautista na may malinaw pa ring limitasyon ang kanilang impluwensiya. Isa rito ang kakulangan ng pormal na mekanismo para magmungkahi o mag-enmiyenda ng mga polisiya.

“Sa dalawang termino ko bilang VPIA, masasabi kong walang nakalaang istriktong proseso upang magmungkahi, mag-[enmiyenda], o tumutol ang USG sa mga patakaran sa Pamantasan,” aniya. Sa halip, kinakalap nila ang saloobin ng mga estudyante gamit ang mga sarbey at ginagamit ito bilang batayan sa mga pagpupulong kasama ang administrasyon.

Binanggit din niyang nahahadlangan ang ibang mungkahi ng USG dahil sa ilang limitasyon. Binigyang-halimbawa niya ang kanilang suhestiyong pagandahin ang mga online server na kasalukuyang ginagamit ng Pamantasan, ngunit hindi na aniya ito kayang mapabuti dahil sa kakulangan sa rekurso.

“May mga suhestiyon ang aming komite na hindi kayang maisakatuparan dahil sa limitasyon ng resources,” paliwanag niya. Dagdag pa rito, inilahad niyang mas matimbang ang boto ng mga opisyal ng Pamantasan kaysa sa nag-iisang boto ng USG sa ilang konseho.

Hinimok din ni Bautista ang mga Lasalyanong palawakin ang panawagan ukol sa iba’t ibang isyu sa Pamantasan sa pagsagot sa mga sarbey, paglahok sa mga focus group discussion, at paggamit ng social media. “Kapag patuloy nating [pinalalakas] ang presensiya ng mga mag-aaral sa mga opisyal na plataporma, mas mataas ang pagkakataong magresulta ito sa direktang aksiyon,” sambit ni Bautista.

Bilang mensahe ni Bautista sa mga susunod na mga lider, payo niyang gawing pangunahing gabay ang aktibong konsultasyon sa administrasyon at kapuwa estudyante, pagkilala sa mga simpleng pangangailangan ng mga estudyante, at kakayahang umangkop sa konteksto bilang pundasyon ng epektibong paglilingkod.

Sa mata ng isang Lasalyano

Sa panayam ng APP kay Mary Katelyn Lao, ID 123 mula BS Biomedical Engineering, nahinuha niyang tungkulin ng USG ang bigyang-representasyon ang bawat Lasalyano sa pamamagitan ng mga polisiya at inisyatibang akma sa kalagayan ng mga estudyante. Malaking bagay ang kanilang inilunsad na interbensiyon sa pagbawas ng kabuoang itinaas ng matrikula, pagsasaad niya.

Pagbabahagi ni Lao, hindi ramdam ang epekto ng USG kaya maituturing lamang ito bilang isang pangkaraniwang organisasyon sa loob ng Pamantasan. Madalas niya lamang makita ang presensiya nito sa mga anunsiyo sa pagsuspende ng mga klase. 

Naniniwala rin si Lao na mapahuhusay ang sistema ng USG sa pamamagitan ng pagiging bukas sa mga  kritisismo. Nakita niyang may kakulangan din sa komunikasyong pangmasa tuwing nakikibahagi sila sa mga desisyong administratibo. Dagdag pa niya, hindi nagiging hadlang ang kanilang pagiging estudyante, ngunit maaaring nalilimitahan ang kanilang kilos dahil sa kakulangan sa pondo o impluwensiya.

“Higit pa sa titulo, mahalagang gamitin nila ang kanilang impluwensiya upang tunay na magsagawa ng pagbabago para sa ikakabuti ng buhay-estudyante sa loob ng Pamantasan, at hindi lamang para umupo at magpaganda,” saad pa niya.