
MAINIT NA NAGBALITAKTAKAN ang mga kandidato sa General Elections 2025 mula sa Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON), Tinig Coalition, at independiyenteng hanay sa Boses at Paninindigan: Harapang Talastasan para sa Kinabukasan ng Pamantasan sa Henry Sy Sr. Hall Grounds nitong Hulyo 12.
Pinangunahan ng mga kasapi ng La Salle Debate Society (LSDS) at University Student Government (USG) Judiciary ang pamumuno sa daloy ng debate. Hinimay ang mga usaping may direktang epekto sa pamumuhay at kinabukasan ng mga estudyante, gaya ng paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa Pamantasan, mga reporma sa enlistment, at kalayaan sa pamamahayag.
Paninindigang hatid ng mga batch government
Unang nagsagupaan sa entablado ng debate ang mga kandidatong tumatakbo para sa posisyon ng mga batch president at batch legislator.
Isinalang ng TAPAT sina tumatakbong FAST2023 Batch President Margaret Reyno at CATCH2T27 Batch Legislator Rei Encallado. Inihain naman ng SANTUGON sina kumakandidatong FOCUS2024 Batch President Bai Abbas at FAST2024 Batch Legislator Ken Cayanan. Bumida rin ang mga independiyenteng kandidatong sina FAST2023 Batch Legislator Basti Araneta at EXCEL2026 Batch Legislator Aleia Silvestre.
Nagbukas ang unang yugto ng debate tungkol sa lumalawak na paggamit ng generative AI sa Pamantasan at ang banta nito sa integridad ng akademikong awtput ng mga estudyante.
Iginiit ni Reyno na mahalagang pakinggan ang mga hinaing ng mga estudyante habang hinaharap ang patuloy na pag-usbong at paglawak ng mga kakayahan ng mga AI tool. “Dapat sinisigurado nating napapakinggan ang mga grievance ng mga estudyante,” saad niya.
Ibinahagi ni Reyno na kinakailangan ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng propesor at estudyante para sa responsableng paggamit nito. Batid din niyang nararapat pang bigyang-priyoridad ang mga hinaing ng mga estudyante upang higit pang mapabuti ang kanilang karanasang pang-akademiko.
Binigyang-diin ni Cayanan na patuloy na uunlad ang teknolohiya kaya nararapat lamang na makibagay rito. Kinilala rin niya ang kontribusyon ng kasalukuyang Legislative Assembly (LA) sa pagpasa ng polisiya ukol sa regulasyon ng AI na nakatakdang magiging epektibo sa susunod na termino, ngunit kulang pa aniya ito sa kongkretong implementasyon.
Sakaling maupo sa posisyon si Cayanan, isa sa mga unang hakbang na kaniyang gagawin ang pagsasaayos ng De La Salle University (DLSU) Student Handbook upang maisama ang malinaw na mga patakaran hinggil sa paggamit ng AI.
Nagbabala naman si Basti na posibleng magamit ang AI sa pandaraya. Hinimok niya ang Pamantasan na magkaroon ng konkretong polisiya sa paggamit nito.
Tinalakay rin sa unang yugto ang ugnayan ng Judiciary at mga batch government sa pagresolba ng mga hinaing ng mga estudyante.
Ipinunto ni Encallado ang pangangailangang gawing sentro ang estudyante sa bawat polisiya. “In making policies for the students, we have to make it with the students,” diin niya. Dagdag pa niya, kinakailangan ang mga bagong polisiya dahil makatutulong aniya ito upang maisaayos ang tunay na responsibilidad ng mga batch government.
Binigyang-diin din ni Abbas na mahalagang intindihin muna ng mga kandidato ang mga hinaing bago maghain ng solusyon. “As a candidate running for batch president, our first and foremost concern is to understand the concern to be able to address it,” ani Abbas.
Ipinaliwanag ni Silvestre na kailangang mas maging abot-kamay ang mga batch government sa mga estudyante. Dagdag niya, “We should also close the gap para maramdaman ng mga estudyante na puwede nila tayong lapitan kapag may grievances sila.” Maaari din aniyang makipag-ugnayan ang mga batch government sa Judiciary upang mapadali ang komunikasyon para sa mga hinaing ng mga estudyante.
Sinuri din ang mga kandidato sa kanilang magiging gampanin bilang mga kinatawan sa araw-araw na pamumuhay ng kanilang mga batchmate.
Ibinahagi ni Reyno na naranasan niya mismo ang microaggressions sa loob ng mga organisasyon sa Pamatansan.
Binalikan naman ni Cayanan ang papel ng batch government sa ilalim ng USG Constitution bilang tagapamahala at tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga estudyante. Ipinaliwanag niyang tungkulin ng batch government ang mamuno at maging kinatawan, ayon sa nasabing konstitusyon.
Tinawag ni Basti ang posisyon ng batch legislator bilang isang daluyan ng pagbabago. Dagdag pa niya, itinuturing bilang isang responsibilidad ang posisyong ito, kaya nararapat lamang na kumilos ang batch government bilang isang konsultatibong kinatawan ng USG.
Hinamon ng panel ang mga kandidato na ipaliwanag ang kanilang paraan ng pagtupad sa tunay na representasyon sa konteksto ng nalalapit na plebisito para sa rebisadong USG Constitution.
Ayon kay Encallado, nilikha ang mga enmiyenda sa USG Constitution upang punan ang mga puwang sa kasalukuyang balangkas ng USG. Binanggit din niyang kailangang makipagtulungan ang mga batch government sa iba pang batch units, sa LA, at sa buong pamayanang Lasalyano.
Giit ni Abas, ipinakikita ng pag-enmiyendang ito ang demokratikong institusyong mayroon ang Pamantasan. Aniya, mahalaga ang papel ng batch government sa pagkonekta sa mga estudyante at sa pagpapaliwanag ng magiging kabuluhan ng USG Constitution sa buhay ng mga estudyante.
Ipinahayag ni Silvestre na mas pinalalapit ng plebisito ang ugnayan at gawain ng mga batch at college government. Dagdag pa niya, panahon na upang maging tunay na kinatawan ng batch ang batch legislator, at hindi lamang bahagi ng batch unit.
Tagisan ng mga college president
Sumalang sa ikalawang yugto ang ilang tumatakbong college president (CP) at representative. Kabilang dito sina College of Science CP Clark Cuaresma at Br. Andrew Gonzalez College of Education CP Ven Lahoz ng TAPAT, College of Computer Studies CP Michael Maglente at College of Liberal Arts CP Nadine Francisco ng SANTUGON, at independiyenteng kandidato na si Carlos L. Tiu School of Economics CP Micah Agatha at College of Science Representative Clarisse Navea ng Tinig Coalition.
Isinama rin sa debate ang isyu tungkol sa pagiging makatarungan ng polisiyang nagbibigay ng pribilehiyo sa mga Dean’s Lister na manguna sa enlistment.
Ipinagtanggol ni Maglente ang kasalukuyang sistema. “This policy is here for a reason . . . We want to help students who are really doing good in their academics. It’s unfair to those working hard and they will be the ones suffering,” saad niya. Idinagdag pa niyang kinakailangang tugunan ito sa pagkakaroon ng mga petisyon sa mga departamento para sa aksesibilidad ng enlistment.
Iginiit naman ni Cuaresma na maraming puwang ang sistemang ito na kinakailangang tugunan sa tulong ng mga college government. Aniya, “Kalidad na edukasyon ang hinahanap sa Pamantasan.” Iminungkahi rin niya ang pagbuo ng Magna Carta for Working Students upang bigyang-priyoridad sa enlistment ang naturang sektor kasabay ang screening process upang mapigilan ang pag-abuso sa working student privileges tuwing enlistment.
Binigyang-diin ni Agatha na hindi problema ang hindi pagiging Dean’s lister, kundi ang kakulangan sa mga available na kurso at guro. “Hindi problema ang pribilehiyong ito. Ang problema rito ang kulang na mga propesor at mga seksyon,” pahayag niya. Marapat pa aniyang paigtingin ang komunikasyon sa pagitan ng mga student representative at departmento.
Ipinunto ni Navea na bagaman nararapat lamang ang pribilehiyo ng mga Dean’s lister student, kailangan pa ring palawakin ang mga inaalok na kurso at damihan ang pagpipilian para sa mga propesor.
Itinanong ng panel ang opinyon ng mga kandidato ukol sa enlistment shopping o ang kasalukuyang sistema ng pagpili ng kukuning kurso at oras pati ang kanilang mungkahi para sa administrasyon ng Pamantasan.
Tumutol si Agatha sa blind enlistment at iginiit na nagbibigay ang enlistment shopping ng malayang oportunidad na pumili ng kurso ang mga Lasalyano. Ipinahayag naman ni Cuaresma na “anti-student” ang dating panukalang block enlistment.
Ipinaliwanag ni Francisco ang pangangailangan ng pagpili ng mga kurso, oras, at propesor. Ipinahayag niyang kinakailangang ikonsidera ang tamang aksiyon sa mga planong pagbabago sa mga ginagamit na website upang maiwasan ang iba pang mga problema. Kaugnay nito, ibinida niya ang plataporma ng executive board ng SANTUGON na Campus+ bilang solusyon sa naturang isyu.
“Update the systems. Nagkaka-tuition fee increase tayo, pero wala ring nangyayari na pag-a-update ng systems,” pagkadismaya ni Lahoz.
Idiniin ni Navea na karapatan ng mga estudyante ang maayos na Information Technology (IT) services. Sinusugan naman ni Agatha na dapat may sapat na pondo para ayusin ang mga sistemang ito.
Hiningi rin ang kanilang saloobin sa pagtaas ng tuition kapalit ang mga IT improvement.
Mariing tinutulan ni Maglente ang pagtataas ng matrikula sa kabila ng mga umiiral na problemang hindi pa rin nareresolba hanggang sa kasalukuyan.
Ipinahayag ni Lahoz ang kakulangan ng mga programang nakasentro sa mga estudyante, habang iginiit naman ni Navea na hindi solusyon ang panibagong taas-matrikula upang mapabuti ang mga IT system ng Pamantasan.
Inalam din ang saloobin ng mga kandidato sa isyung kawalan ng partisipasyon ng mga estudyante sa mga proyekto ng USG. Iminungkahi ni Agatha na nararapat alamin ang sanhi ng isyu. Aniya, nagsisimula ito sa kakulangan ng abot-kayang komunikasyon at ang kalidad ng mga aktibidad na iniaalok ng mga estudyanteng lider.
Dagdag ni Agatha, “It’s a matter of catering the needs of students.” Hinimok din niya ang mga Lasalyanong bumoto para sa mga lider na madaling lapitan at may kakayahang hikayatin ang mga estudyante na dumalo sa mga programang maaaring tumugon sa kanilang interes.
Ipinahayag naman ni Navea na pangunahing plataporma niya ang pagtataguyod at pagpapanatili ng kolaborasyon. Inilantad niyang bubuo siya ng mga programang nakaangkla sa interes ng kaniyang mga nasasakupan at makikipag-ugnayan nang aktibo sa mga ito.
Para kay Maglente, nakababahala ang naturang sitwasyon. Aniya, mahalagang magkaroon ng sentralisadong plataporma sa mga proyektong ipinatutupad ng mga kolehiyo. “We want to improve kung ano man ‘yung mga bagay na gumagana,” punto niya.
Samantala, nais ni Cuaresma na magmungkahi ng mas maraming pagkakataon para sa partisipasyon ng mga estudyante. Aniya, kulang ang mga oportunidad at maraming estudyante ang hindi alam na may iniaalok na mga proyekto at programa ang USG at maging ang administrasyon ng DLSU. Giit niya, makikipagtulungan siya sa administrasyon at sa Office of the Vice President for External Relations and Internationalization upang mapalawak ang mga lokal at internasyonal na oportunidad para sa mga estudyanteng kumukuha ng practicum at thesis.
Sa harap ng tanong tungkol sa epektibong pagpapalaganap ng impormasyon, inilahad ni Cuaresma ang plataporma ng kaniyang partidong gawing sistematiko ang mga anunsiyo sa pamamagitan ng paglalagay ng urgency levels.
Para naman kay Navea, ang pagbibigay-priyoridad sa interes ng mga estudyante ang solusyon sa pagpapaigting ng partisipasyon ng mga Lasalyano. Dagdag niya, nasa proseso siya ng pagbuo ng mga planong nakasentro sa mga interes ng mga Lasalyano.
Lumipat naman ang diskurso sa isyu ng pagsasara ng DLSU Freedom Wall dahil sa mga meme at biro na nai-post kaugnay ng muling pagkapanalo ni President Trump bilang pangulo ng Estados Unidos.
Bilang isang estudyante mula sa programang communication arts, idiniin ni Francisco na mahalaga sa kaniya ang kalayaan sa pagpapahayag. Aniya, kahit hindi opisyal na konektado ang Freedom Wall sa Pamantasan, mahalagang magkaroon ng espasyong tulad nito upang mailabas ng mga estudyante ang kanilang mga hinaing sa mga isyu sa loob at labas ng bansa. Dagdag pa niya, “Tama ang pagpapakita ng frustration, pero dapat itong maitawid sa tamang midyum ng civic participation at duties.”
Sumang-ayon si Navea na mahalaga ang Freedom Wall bilang midyum ng pagpapahayag. Aniya, “As students [we] should be responsible in posting online.” Ipinangako rin niyang bibigyang-halaga niya ang malayang pamamahayag kasabay ng pagpapaalala sa mga estudyanteng maging matalino sa mga ibinabahagi online.
Ipinunto naman ni Lahoz na bahagi ng Lasalyanong pagkakakilanlan ang pagiging may paninindigan sa mga isyu. Aniya, kinakailangan ang maigting na pananagutan at ang pagbibigay ng sapat na espasyo para sa mga estudyante upang malaya nilang maipahayag ang kanilang mga opinyon nang walang pag-aalinlangan.
Pinagtibay ni Agatha ang mga pahayag ng kaniyang kapuwa kandidato ukol sa kahalagahan ng kalayaan sa pagpapahayag. “We are instilled with our Lasallian core values and teachings. We should cultivate these with respect, and [recognize] that freedom of speech is essential,” aniya.
Nang tanungin ang kanilang saloobin na tanggalin ang anonymity alang-alang sa pananagutan, sinang-ayunan ito ni Navea dahil aniya may epekto pa rin ang sinasabi ng anonymous users, ngunit hindi dapat gamitin ang anonymity upang manakit ng kapuwa.
Sa kabilang banda, nanindigan si Agatha na nagbibigay-kapangyarihan ang anonymity sa mga estudyante upang magpahayag nang malaya. Aniya, “Anonymity should not be removed, but [pushed] for respectful discussions.”
Harapang USG President at VPEA
Huling nagtapatan ang mga pambato ng dalawang partido sa executive board. Ibinandera nina Kailu Baradas na tumatakbong USG president at Huey Marudo na kumakandidatong vice president for external affairs (VPEA) ang partido ng TAPAT. Samantala, kinatawan naman nina Zach Quiambao na tumatakbong USG president at Brenn Takata na tumatakbong VPEA ang SANTUGON.
Ibinato sa mga kandidato ang katanungan ukol sa mainit na isyung nepotismong nagaganap sa loob ng USG. Hiningi rin ang kanilang mga karampatang plano upang bigyang-solusyon ang mga insidenteng tulad nito.
Inimungkahi ni Baradas ang pagbubukas ng aplikasyon para sa mga posisyong team leader sa mga programang isasagawa ng USG. Naniniwala siyang makatutulong ito upang magkaroon ng malinaw at patas na pananagutan ang bawat opisyal ng USG.
Iginiit naman ni Quiambao ang kahalagahan ng masinsinang proseso ng aplikasyong may kaakibat na konsultasyon mula sa administrasyon. Idinagdag pa niyang ibabatay sa kakayahan ng mga aplikante ang deliberasyon sa mga posisyong ito.
Ipinagpalagay naman ng DLSU Judiciary bilang karagdagang katanungan sa mga kandidato ang mga hakbang na kanilang isasagawa sakaling maihalal sa puwesto at maganap ang nepotismo sa USG.
“Why should I be afraid when I did nothing wrong?,” sambit ni Marudo. Ipinangako rin niyang magiging konsultatibo ang kanilang mga magiging proseso para sa pagpili ng mga tauhan sa central committee. Handa rin namang harapin ni Takata ang pagkakaroon ng anumang imbestigasyon sa kaniyang opisina.
Para sa ikalawang bahagi, sinukat naman ang magiging tugon ng mga kandidato sa mga napapanahong isyung kinahaharap ng mga Lasalyano.
Ipinunto ni Marudo na kinakailangang USG ang lumalapit sa mga estudyante at hindi ang kabaliktaran. Idiniin din niyang nararapat na ihanay ang mga proyekto ng USG sa mga nararapat tugunang problema ng pamayanang Lasalyano.
Binatikos naman ni Takata ang mga plataporma ng TAPAT para sa pamayanang Lasalyano. Nanindigan siyang bago ang lahat ng proyektong inihain ng SANTUGON at ginawa nang may konsultasyon sa mga college president.
Nagkainitan din ang dalawa sa usaping career opportunities na kanilang ihahatid para sa pamayanang Lasalyano. Para kay Takata, mahalagang magsagawa ng mga programa ukol sa internships ng mga estudyante. Sinalungat naman ito ni Marudo dahil priyoridad aniya ng mga Lasalyano ang mga oportunidad na naaayon sa global na pamantayan.
Inalam din ang kanilang mga sentimyento ukol sa kakulangan ng badyet ng USG upang itaguyod ang kanilang mga proyekto.
Inilahad ni Baradas na ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng pananalapi at pagpapaigting ng pakikipag-ugnayan sa mga institusyon ang susi sa naturang isyu. Ibinida naman ni Takata ang pangangasiwa ng mga fund-raising activity, pagbibigay ng abot-kayang serbisyo, at pakikipagpulong sa mga organisasyon sa labas ng Pamantasan bilang mga kanilang gagawin.
Dagdag naman ni Quiambao, kailangang pataasin ang badyet ng USG sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga proyekto, pagdaragdag ng mga kolaborasyon, at pagpapaigting ng pakikipag-ugnayan sa DLSU Parents of University Students Organization.
Nagtagal nang humigit-kumulang apat na oras ang debate ng mga kandidato para sa General Elections 2025. Binigyang-parangal naman ng LSDS at DLSU Judiciary ang mga kandidatong nagpakitang-gilas sa naturang balitaktakan.
Nasungkit ni Cayanan ng SANTUGON ang best speaker para sa unang yugto ng debate. Nanalo naman si Quiambao mula SANTUGON para sa best speaker ng ikatlong yugto. Samantala, nanaig si Cuaresma mula TAPAT para sa ikalawang yugto ng debate at bilang overall best speaker.