
BINAGTAS ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Archers ang magkasalungat na landas kontra University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers at Tigresses, 22–10, 13–20, sa ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate 3×3 Basketball Tournament sa Ayala Malls Manila Bay, Abril 29.
Magaang simoy ng hangin
Agad na nakalikom ng bentahe ang Green Archers matapos magpasiklab ang mga rookie na sina Andrei Dungo sa loob at Vhoris Marasigan sa labas, 10–4.
Inilabas naman nina España mainstay Amiel Acido at Ice Danting ang kanilang mga pangil sa paint, 14–8, ngunit sinamantala ni Marasigan ang foul ng mga tigre upang magpasiklab sa free-throw line na ginatungan pa ng dos ni veteran Jcee Macalalag, 18–8.
Pumukol pa ng dalawang two-point field goal si Dungo sa 2:50 marka upang ibigay sa mga taga-Taft ang unang panalo, 22–10.
Mabigat na dalahin
Nakipaggitgitan si Lady Archer Elizabeth Delos Reyes kay España-based player Eka Soriano sa labas ng arko, 2–all, ngunit namayagpag ang ginintuang puwersa matapos umangil ng tirada sina Kent Pastrana at Karylle Sierba sa unang minuto ng bakbakan, 2–8.
Pagpatak ng 7:53 sa orasan, nagkainitan ang magkabilang koponan na nagdulot ng pagpataw ng unsportsmanlike foul kay DLSU Taft tower Kyla Sunga.
Nagawa pang mag-ingay nina Tricia Mendoza at Sunga para sa Berde at Puting hanay, 13–19, subalit tinapos na ni Pastrana ang laban sa loob kaakibat ng ball possession sa nalalabing oras ng sagupaan, 13–20.
Tuon sa kalibrasiyon
Dala ang pait ng pagkabigo sa unang araw ng kompetisyon, binigyang-diin ng beteranong si Macalalag sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na itinatak ng Berde at Puting pangkat sa kanilang isip ang kagustuhang manalo, makabawi, at ipagpatuloy pa ang pagtahak sa landas ng tagumpay.
“Siguro we’ll just rest muna, watch the film, and adjust on what we can improve on. From there, sana makuha na namin ‘yung momentum,” pagbabahagi ni Macalalag kung paano nila susulitin ang isang araw na pahinga bukas.
Ayon naman kay Sunga sa panayam ng APP, ipagpapatuloy pa rin ng Lady Archers bukas upang subukang tumudla pa ng panalo sa mga susunod na engkuwentro.
Pag-amin ni Sunga sa APP hinggil sa naging problema nila sa kanilang pagtutuos kontra UST, “Siguro sumobra kami sa init ng ulo. Hindi namin nadala nang maayos ‘yung laro kanina, and hindi kami masyadong nakapagpokus dahil sa [pag-ulan ng foul].”
Tangan ang parehong 1–2 panalo-talo baraha, ipagpapatuloy ng Green at Lady Archers ang kanilang kampanya kontra Far Eastern University Tamaraws sa parehong lugar sa ika-1:20 n.h. at ika-2:40 n.h. ngayong Huwebes, Mayo 1.