Lady Archers, nasilayan ang sinag sa UAAP 3×3

Mula UAAP Season 87 Media Team

BUMULAGTA sa De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang magkaibang kartada sa pagsisimula ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s 3×3 Basketball Tournament matapos indahin ang kagat ng National University (NU) Lady Bulldogs, 14–21, at mamayani kontra Adamson University Lady Falcons, 18–17, sa Ayala Malls Manila Bay, Abril 28.

Pagmintis ng palaso

Maagang nakuha ng Taft mainstays ang bentahe buhat ng tirada ni Kyla Sunga sa loob mula sa pasa ni Tricia Mendoza, 4–1, ngunit agad na itinabla nina Lady Bulldogs Jamanah Meniano at Xyra Pring ang talaan sa bisa ng midrange shot at dos, 4–all. 

Nagtulungan sina Sunga at Tricia Mendoza upang pansamantalang paralisahin ang NU, 8–6, ngunit bigong itali ng mga taga-Taft ang mga nagkukumahog na bulldog matapos magpakawala ng mga nag-aalab na dos, 11–17

Sa kabila ng pagpapasiklab ni Sunga sa loob upang idikit ang talaan, 14–17, umalagwa si Pring ng apat na marka mula sa dos at panapos na mga free throw kaakibat ng flagrant foul ni Mendoza, 14–21. 

Pagkiling ng tadhana

Matumal man ang naging simula, rumatsada ng 6–0 run ang Taft-based squad sa bisa ng mga tirada nina Sunga at Mendoza, 7–3.

Naipadama man ni Sunga ang kaniyang presensiya sa ilalim, 11–9, hindi nito natinag si Lady Falcon Jamanah Meniano na nagpamalas ng putback at itinabla ang iskor, 11–all. 

Humuni ang mga palkon buhat ng pagragasa ni Etang ng 3–0 run upang muling itabla ang talaan, 17–all, ngunit gumawa ng malamiraglong floater si Sunga sa huling isang segundo upang selyuhan ang tagumpay, 18–17.

Napagtantong pagkakakilanlan

Kasunod ng pagkabigo kontra NU, inamin ni Sunga sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na naging kahinaan ng luntiang koponan ang pagdepensa sa two-point line na kanilang pinagtuonan ng pansin bago harapin ang Adamson.

“Masaya po kasi ‘yung pagiging big guy ko, nagawa ko naman po nang tama. And sa totoo lang po, hindi ko po inisip ‘yon. Nalaman ko lang po na panalo na kami no’ng nakita ko ‘yung screen na wala nang oras,” pagbabahagi ni Sunga sa APP hinggil sa kaniyang reaksiyon sa kaniyang panapos na tirada kontra Lady Falcons. 

Tangan ang 1–1 panalo-talo baraha, tatangkaing ipagpatuloy ng Taft mainstays ang pagtudla ng panalo kontra University of University of Santo Tomas Golden Tigresses sa parehong lugar sa ika-4:40 n.h. bukas, Abril 29.