Green Archers, nanlata sa unang araw ng UAAP 3×3; pinaralisa ng Bulldogs at Soaring Falcons

Mula UAAP Season 87 Media Team

NABITAG ang defending champions De La Salle University (DLSU) Green Archers, 0–2, sa mga patibong na isinalansan ng National University Bulldogs, 12–21, at Adamson University Soaring Falcons, 19–22, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s 3×3 Basketball Tournament sa Ayala Malls Manila Bay, Abril 28.

Nangangapang panimula

Binuksan ng nag-aalab na layup drive ni Green Archer Andrei Dungo ang laban, 1–0, ngunit agad itong nirespondehan ng mga taga-Jhocson sa pagbira mula sa labas ng arko ni Steve Nash Enriquez, 1–2. 

Nakasabay pa sa palitan sa loob ng paint si EJ Gollena sa kaniyang midrange jumper, ngunit natigatig ang kanilang mga yabag sa dikdikang depensang ipinamalas ng Bulldogs upang ipundar ang pitong puntos na kalamangan, 9–16.

Hindi na magmaliw ang ritmo ng Taft mainstays kaya sinamantala na ito ni Enriquez na tumarak ng back-to-back two-pointer na sinundan pa ng perimeter shot ni Poul Palacielo upang selyuhan ang tapatan sa nalalabing 31 segundo, 12–21.

Pagdulas ng tagumpay sa mga palad

Tangan ang determinasyong makabawi, agad na umalagwa ng dalawang magkasunod na and-1 play si Green Archer Jcee Macalalag, 3–1. 

Palitan ng dos ang pinaandar ng dalawang kampo sa paglipas ng tatlong minuto ng laban, ngunit nanatiling mainit ang mga galamay ni Macalalag upang palobohin ang bentahe sa lima, 12–7.

Tinangke na ni Adamson big man Cedrick Manzano ang ilalim upang limitahan ang opensa ng DLSU at ikandado ang talaan, 16–all, na kalaunang nagbukas ng oportunidad para kay Manu Anabo na pumukol ng winning two-pointer shot para sa mga taga-San Marcelino, 19–22.

Pagsubok ng mga bagong mukha

Malinaw ang paninibago ng Berde at Puting hanay sa loob ng kort alinsunod na rin sa pag-amin ni Green Archer Vhoris Marasigan sa Ang Pahayagang Plaridel, “Nabigla lang din kami na pisikalan ‘yung laro.”

Isiniwalat din niyang bitbit ng grupo ang bigat ng ekspektasyon na depensahan ang koronang iniwan sa kanilang mga bagong salta lamang sa 3×3.

Gayunpaman, tiniyak ni Marasigan ang kanilang pagbawi na sisimulan sa pukpukang depensa partikular na sa mga tirada sa labas ng arko na nagpahapdi ng kanilang karera ngayong araw.

Bitbit ang masalimuot na entrada, pagsisikapan ng Green Archers na tintahan ng tagumpay ang kanilang kartada kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa parehong lugar ika-3:20 n.h. bukas, Abril 29.