
NASILO ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa patibong na itinanim ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 20–25, 26–28, 25–20, 23–25, sa huling bakbakan ng elimination round ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 26.
Bagamat bigong iuwi ang panalo, nanguna para sa mga nakaberde si Kapitana Angel Canino matapos bumira ng triple-double performance na 24 na puntos, 10 excellent dig, at 11 excellent reception.
Bumida naman para sa mga taga-Morayta si outside hitter Gerzel Petallo matapos umukit ng 19 na puntos mula sa 16 na atake, dalawang ace, at isang block.
Agad na rumatsada ang Nicanor Reyes-laden squad sa unang yugto ng laban matapos bagbagin ni Petallo ang butas na blockings ng Lady Spikers, 7–12, na nagpatuloy hanggang sa dulong bahagi ng set nang malugod niyang tinanggap ang regalo mula sa over-receive ni Shane Reterta, 20–25.
Nagpasabog ng magkakasunod na atake si Canino kabilang ang isang down-the-line hit sa zone 1 pagdako ng ikalawang set, 16–13, bago dumagundong ang madla sa crucial block ni DLSU opposite spiker Shevana Laput, 21–all, ngunit nanaig pa rin ang Morayta-based squad sa extended set, 26–28.
Umarangkada si Kapitana Canino sa kalagitnaan ng ikatlong set matapos magpasabog ng back-to-back service ace na nagpatibay ng bentahe ng Taft mainstays, 10–6, bago tuluyang sikwatin ang naturang set matapos bumulusok sa gitna, 25–20.
Dikdikan ang naging engkuwentro sa huling yugto matapos magpalitan ng puntos ang mga De La Salle Zobel standout na sina Canino at Petallo, 19–18, ngunit namayagpag ang tikas ni FEU rookie outside hitter Lovely Lopez na nagsalaksak ng isang crosscourt attack upang tuluyang makasilat ng panalo kontra sa naghihikahos na DLSU, 23–25.
Bunsod ng mapait na resulta, bibitbitin ng Taft-based squad ang 9–5 panalo-talo kartada sa pagpasok ng Final Four at makatatapat ang mananalo sa duwelo sa pagitan ng University of Santo Tomas Golden Tigresses at National University Lady Bulldogs bukas, Abril 27.