
NADUHAGI ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 25–21, 17–25, 19–25, 22–25, sa huling tapatan ng elimination round ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 26.
Ibinandera ni open spiker Noel Kampton ang kampanya ng DLSU matapos magtala ng 16 na puntos mula sa mga atake.
Sa kabilang panig, itinanghal na Player of the Game si FEU setter Ariel Cacao nang magpamalas ng masterclass setting sa pagkubra ng 29 na excellent set upang isakatuparan ang kabuoang 40 puntos mula sa tambalang Dryx Saavedra at Mikko Espartero.
Bumungad ang maaliwalas na panimula sa Taft-based squad matapos malimitahan ang kanilang unforced errors na nag-udyok upang mas umalagwa ang opensa ni opposite hitter Rui Ventura bago nagpakawala si veteran Kampton ng panapos sa backrow kill, 25–21.
Gayunpaman, naparalisa ang Green Spikers sa ikalawang set buhat ng mga patibong na paandar ni FEU playmaker Cacao upang itarak ang dominasyon ng kanilang one-two punch na sina Espartero at Saavedra, 17–25.
Sa kabila ng pagbalasa ni DLSU Head Coach Jose Roque sa sumunod na bahagi ng sagupaan, nanatiling mataas ang kumpiyansa ng mga taga-Morayta at pinaigting ang kanilang limang puntos na kalamangan na siyang naging hudyat ni Espartero na bumomba ng down-the-line kill upang tuldukan ang ikatlong set, 19–25.
Hindi na nag-atubili ang Morayta-based squad upang tuluyang ilugmok ang Green Spikers gamit ang through-the-block na atake ni FEU open hitter Amet Bituin, 22–25.
Bunga ng pagkasubasob kontra Tamaraws, pumirmi ang Taft mainstays sa ikaapat na puwesto habang hinihintay ang maghahari sa elimination round na kanilang makahaharap pagdako ng semifinals ng torneo.