
BUMALUKTOT ang mga pamalo ng De La Salle University (DLSU) Green Batters matapos tangkaing ungusan ang defending champions National University (NU) Baseball Team, 6–9, sa pagtatapos na ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Abril 23.
Bigong makapagrehistro ng puntos ang panig ng Taft sa kabila ng pagtungtong ni Green Batter Jasper Crisostomo sa unang base, 0–all, na agad sinamantala ng Jhocson-based squad nang makakuha ng dalawang puntos mula kina John Olazo at Kent Altarejos, 0–2.
Sinubukang bumuwelo ng tirada ng Berde at Puting hanay sa presensiya ni Kurt Bigcas sa unang base pagdako ng ikalawang inning, ngunit agad itong pinawi ng matatag na depensa ng NU, 0–2.
Kumaripas ng matayog na flyball ang manunudlang si Andres Lacson, ngunit nasindak din ito kalaunan ni Olazo, 0–2, hanggang sa muling pumanig ang momentum sa Bulldogs nang makapuntos si Olazo mula sa tirada ni Jerald Tenorio, 0–3.
Nagpakawala naman ng magkakasunod na apat na homerun ang NU sa bisa ng mga tirada nina Kenneth Maulit, Kyle Hardillo, at Gio Gorpido sa ikalimang inning na bigong depensahan ng luntiang koponan, 0–7.
Unti-unti namang sumilay ang pag-asa sa hanay ng Green Batters nang maiuwi ni Gerard Paulino sa home base sina Joaquin Go at Johan Rentero, 4–7, ngunit hindi pa rin ito naging sapat nang makadalawang puntos ang Bulldogs sa bisa nina Maulit at Olazo sa ikaanim na inning, 4–9.
Pansamantalang naibalik ni Taft mainstay Michael Villamiel ang momentum sa DLSU sa pagratsada ng ikapitong inning nang magpasiklab ng dalawang marka mula sa pagdagundong ng isang matayog na flyball, 6–9.
Tinangkang habulin ni Green Batter Lacson ang bentahe ng NU matapos makausad sa isang base, ngunit nasundan na ito ng magkakasunod na out ball dahilan upang tuluyang matuldukan ang salpukan pabor sa mga nakabughaw, 6–9.
Sa kabila ng pagkabigong makamit ang tagumpay kontra defending champions, babaybayin ng Green Batters ang final four na yugto tangan ang ikalawang ranggo sa pagtatapos ng elimination round na may 6-4 panalo-talo kartada.