We Are Innersoul: Pag-angkin ng DLS Innersoul sa mundo bilang entablado

Kuha ni Payapa Julia Guieb

Gaya ng bughaw na bumabalot sa kalangitan, pinalilibutan ng pulang pelus ang awditoryum at entablado. Kapara naman ng matingkad na sinag ng araw, sinusuklob ng kumikinang na mga ilaw ang buong espasyo ng teatro. Mistulang mga ibong humuhuni sa mga awitin ng mundo, nagtipon-tipon ang nagbibigating mga talento upang ipamalas ang harmoniyang hindi mapapantayan.

Sa ika-27 taon ng De La Salle (DLS) Innersoul, inihandog ng mga mang-aawit ang “We Are Innersoul: All The World’s A Stage” nitong Pebrero 28 at Marso 1. Bitbit ang melodiya ng sari-saring himig ng mundo sa loob ng Teresa Yuchengco Auditorium, ipinakita ng DLS Innersoul sa madla ang pangingibabaw ng kanilang mga kakayahan sa tanghalan.

Galimgim ng pagkabata

Pigil-hiningang sinalubong ng madla ang misteryo ng pagtapak ng mga manananghal sa teatro. Sa pagpasok ng bawat mang-aawit, dama ang pagsakop ng kanilang presensiya. Dinala nila sa entablado ang mundo ng Arendelle mula sa Frozen nang buksan sa awiting “Into the Unknown” ang pagtatanghal. Mistulang kaputian ng niyebe, inambon ang teatro sa pagkakaisa ng matining at dalisay na mga boses—walang labis ang pagtatanghal sa pambungad na awitin. 

Sa mahusay na panimula, binigyang-buhay nito ang kabuluhan ng temang paglingon sa kinagisnan. Binuksan ng DLS Innersoul ang baul ng mga alaala nang ibungad sa mga manonood ang mga klasikong awitin ng Disney. Nagsisilbing kisap ang Disney sa pangarap ng hindi mabilang na mga batang mang-aawit—pananalamin ng pagsiklab ng mga talento mula sa kamusmosan.

Isa-isang ipinarinig ang mga kantang gaya ng makatindig-balahibong “Reflection” mula sa Mulan at mistulang pagdiriwang ang pagtatanghal ng mga kababaihan sa “Zero to Hero” ng Hercules. Ikinintal din ng mga kalalakihan ang kanilang halina sa pag-awit ng “Lost in the Woods” galing sa Frozen. Sama-samang paglalakbay naman sa mundo nila Tinkerbell ang naging pagwawakas sa “How to Believe?” at “Fly To Your Heart.” Hindi maipagkakait na sa bawat produksiyong puno ng talento at emosyon, naiparanas ang mahika ng Disney sa diwa ng mga manonood.

Kuha nI Josh Velasco

Pagsiklab ng silakbo

Mula sa munting kisap, tumatag ang silakbo patungo sa mga pangarap sa paghinog ng kanilang mga talento. Hindi eksepsiyon ang mga miyembro ng DLS Innersoul sa mga karaniwang mang-aawit, naging instrumento din nila ang mga kanta ng Broadway sa paghasa ng kasanayan sa pagkanta. Bilang pagbibigay-pugay sa genre, inilantad ang mga solo at duet na pagtatanghal sa pamamagitan ng mga natatanging awitin ng Broadway. Dito, higit na nabigyang-pansin ang kahusayan ng bawat mang-aawit sa pagpapakita ng mga emosyon gamit ang kanilang tinig. Ipinakilala nila ang namumukod-tanging himig mula sa mga klasikong musikal gaya ng Jekyll & Hide at Pippin, hanggang sa mga modernong dulang Dear Evan Hansen at Les Miserables. 

Marahil sa lahat ng pagtatanghal, nangibabaw naman ang kahusayan ng “And I am Telling You” na duet mula sa Dream Girls. Higit pa sa nakamamanghang kontrol sa kanilang mga boses, naipamalas rin ng dalawang musa ang mapaglarong kapit nila sa atensyon ng teatro. Sa inaakalang pagtatapos, hindi pinahinga ng mga manananghal ang mga manonood nang gulatin ang lahat sa kanilang rendisyon ng “Defying Gravity” mula sa Wicked. Tulad ng liriko ng awitin, hindi lamang grabidad ang sinuway ng DLS Innersoul, hinigitan din nila pati ang pananabik ng mga manonood.

Kuha ni Julia Chan Julio

Nakatatak na layunin

Nakaukit na sa mga kaluluwa ng DLS Innersoul ang husay ng pagiging mang-aawit, ngunit hindi nito natabunan ang kanilang identidad bilang mga Pilipino. Sa pagbabalik-tanaw sa kanilang layon, pinamitagan ng grupo ang klasikong genre ng Original Pilipino Music. Nagparangya ng alindog ang mga kalalakihan nang haranahin ang madla sa isang Eraserheads medley. Hindi naman nagpatalo ang mga binibini matapos ihandog sa mga tagasuporta ang nagtataasang mga boses dulot ng mga kanta ng Aegis. Ibinida naman ang sariling mga husay sa isang Ryan Cayabyab sequence, kapara ng mga timpalak sa telebisyon. Mistulang panghimagas naman ang hindi malilimutang rendisyon ng “Paraiso” ng Smokey Mountain nang salubungin ito ng LSDC Contemporary—naibida ng dalawang grupo ang namumukod-tangi nilang mga sining.

Kawangis ng mga diyamante, nakasisilaw ang naging entrada ng DLS Innersoul sa pangwakas na pagtatanghal. Gayak ng magarbong pananamit, engrande ang naging pagganap ng grupo sa “This Is Me” mula sa The Greatest Showman. Sinabayan pa ito ng masiglang pagsayaw ng LSDC Street na maikokompara sa isang musikal na produksiyon ang husay. 

Hindi maipagkakaila ang bersatilidad ng DLS Innersoul sa pagpapamalas ng kanilang mga talento bilang isang grupo o indibidwal man. Mababakas sa kalidad ng kanilang konsiyerto ang dinamikong nabuo sa higit dalawang dekada bilang isang samahang pamilya ang turingan. Sa kanilang pamamaalam sa madla, idinaan ng grupo ang pasasalamat sa taos-pusong pag-awit ng “Seasons of Love” mula sa Rent. Hubad at tapat sa damdamin, iniwanan ng grupo ang madlang higit na nananabik. Sa pagtatapos ng gabi, naitampok ang mga talentong hindi matatagpuan saanman—matagumpay na napatunayan ng DLS Innersoul na kaya nilang gawing entablado ang alinmang bahagi ng mundo.