
NASINDAK ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa tikas ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 24–26, 25–18, 25–19, 22–25, 14–16, sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng elimination round ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 13.
Bagamat sawing maiuwi ang panalo, nagbalandra ng 27 puntos si opposite hitter Shevana Laput mula sa 20 atake, apat na block, at tatlong ace.
Naging sandigan naman ng mga iskolar ng bayan ang playmaking ni Jaz Manguilimotan matapos magtala ng 24 excellent set at tatlong puntos mula sa dalawang service ace at isang atake.
Nangunang pumitik ang puwersa ng Lady Spikers matapos mapuruhan ang Fighting Maroons sa mga pinagsamang atake ni kapitana Angel Canino, 16–12, subalit hindi rin bumalikwas ang hanay ng mga iskolar nang rumesponde ng 5-1 run upang mapagdikiit ang talaan, 18–17, hanggang sa tuluyang maselyuhan ang labanan, 24–26.
Dikdikang puksaan ang namayani sa pagsapit ng ikalawang bugso, subalit nagawang palawigin ng taga-Taft ang talaan matapos ang hatid ang crosscourt attack ni Laput, 19–10, na kaagad ding sinunggaban ni Canino upang selyuhan ang bakbakan, 25–18.
Sa kabila ng dikit na panimula, ipinamalas ng Taft-based squad ang kanilang bagsik matapos bumulusok si Laput mula backrow, na sinundan ng magkakasunod na errors mula sa mga taga-UP upang tuluyang iangat at tangayin ang naturang set, 25–19.
Pagdako ng ikaapat na set, inihandog ni Laput ang magkakasunod na service ace para sa berde at puting koponan, 6–7, ngunit hindi nagpatinag ang mga iskolar ng bayan matapos sumagot ng back-to-back aces si UP playmaker Jaz Manguilimotan at isang mabisang quick ni Doering, 18–19, bago tuluyang selyuhan ni Joan Monares ang naturang set sa pamamagitan ng kanyang crosscourt attack, 22–25.
Sa tensyong umiiral sa deciding set, unti-unting nakahabol ang Taft-based squad mula sa limang puntos na kalamangan bunsod ng magkakasunod na combination play ni Laput at Canino, 10–13, ngunit nanatiling matatag ang Diliman-based squad sa pangunguna ni Doering, na nagtala ng quick kill bago tuluyang isinara ni Monares ang naturang sagupaan, 14–16.
Matapos matimbog ng mga taga-Diliman ang puwersa ng Taft-based squad, mas umigting ang layunin ng koponan na mapabilang sa final four.
Bunsod nito, susubukang bawiin ng Lady Spikers ang lagablab ng puwersa sukbit ang 8-4 panalo-talo baraha kontra Adamson University Lady Falcons sa SM Mall of Asia Arena sa ika-3:00 n.h., Abril 23.