
SINELYUHAN ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Woodpushers ang ikatlong puwesto sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Men’s at Women’s Blitz Chess Tournament matapos pataubin ang University of the Philippines (UP) Men’s Varsity Chess Team, 3.0–1.0, at University of Santo Tomas (UST) Female Woodpushers, 2.5–1.5, sa battle-for-third match sa Adamson University Gym kahapon, Abril 5.
Bago makamit ang tanso, parehong kapalaran ang sinapit ng dalawang luntiang pangkat sa crossover nang magmintis ang kanilang estratehiya kontra Far Eastern University Men’s Chess Team, 0.0–4.0, at Ateneo de Manila University Women’s Chess Team, 1.5–2.5.
Pinaigting na mga piyesa
Maagang bentahe ang ibinulsa ni DLSU veteran Cyril Telesforo matapos patumbahin si UP player Roderenz Adra sa apat na round at dominahin ang ikalawang board, 1.0–0.0.
Isinalansan naman ni Tenshi Biete ang komportableng kalamangan para sa Taft-based squad sa bisa ng pagpapamalas ng tikas kontra FIDE Master Stephen Pangilinan upang mag-ambag ng dalawa at kalahating board point, 2.0–0.0.
Nasikwat din ni Kapitan Jester Sistoza ang panalo sa unang round kontra Arena Grandmaster Io Calica ngunit pumailalim sa ikalawa hanggang ikaapat na round, 2.0–1.0.
Tangan ang motibasyong umukit ng kasaysayan sa kaniyang unang taon sa luntiang koponan, pinatatag ni JL Valencia ang kaniyang mga piyesa laban kay UP player Melson Gallo sa tatlong round upang tuluyang siilin ang ikatlong puwesto, 3.0–1.0.
Salamin ng nakaraan
Agarang naglatag ng mauutak na taktika si Kapitana Francois Magpily kontra UST player Marjeri Janapin upang isilid ang tagumpay sa unang tatlong laban, 1.0–0.0.
Gumawa rin ng ingay si DLSU sophomore Rinoa Sadey sa unang laban kontra España-based player Jamaica Lagrio, ngunit nabigong panatilihin ang momentum sa nalalabing tatlong round, 1.0–all.
Dinaluhong naman ni Taft mainstay Checy Telesforo ang mga piyesa ng España na pinumunuan ni Rohanisah Buto upang mamayagpag sa tatlong round, 2.0–1.0.
Matumal ang naging simula ni Arena Grandmaster Sara Olendo kontra sa taga-UST na si Precious Yecla, 2.0–1.5, ngunit bumangon sa lusak bitbit ang hangaring tapusin ang kaniyang karera sa UAAP na may suot na medalya, 2.5–1.5.
Pagbuklat sa panibagong pahina
Mula sa pagkatalo sa crossover, agad na tinipon ni Coach Susan Neri ang kaniyang mga manlalaro upang ipaalala sa kanila ang layunin ng koponan sa kompetisyong ito—ang lumikha ng mga hindi malilimutang sandali sa kanilang huling taong magkasama.
Pagbabahagi ng tagapagsanay sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) tungkol sa mga winika niya bago sumabak ang mga manlalaro sa battle-for-third game, “Ipaglaban natin nang buong tapang at nang buong puso. Be the Lasallian that you are!”
Kasabay ng kaniyang pagbubunyi sa pagkamit ng ikatlong parangal, ipinahayag ni Olendo sa APP na nais niyang makapag-ambag sa ikabubuti ng pangkat sa kaniyang huling taon at makapag-iwan ng marka sa bagong henerasyon ng mga atletang magpapatuloy ng kanilang nasimulan.
Sa muling pagtungtong ng Green Woodpushers sa podyum pagkatapos ng humigit-kumulang pitong taon, binigyang-diin ni Kapitan Sistoza sa APP na mas higit na kumayod ang Taft mainstays upang ialay ang tagumpay kay Coach Susan sa kaniyang nalalapit na pamamaalam bilang tagapagsanay ng Berde at Puting hanay.
Hindi rin naitago ni Coach Susan sa APP ang kaniyang emosyon sa naging tagumpay ng dalawang pangkat sa torneo bago ang kaniyang pagreretiro. Aniya, “Alam ko na pinaghirapan ng mga bata ‘yon eh at alam ko na iniyakan namin ‘yon nang sabay-sabay simula pa no’ng standard. So para sa akin, mas masarap siya sa pakiramdam. Para akong nag-champion kahit hindi naman talaga.”
Bukod sa magkasamang pagtungtong sa podyum, ginawaran din ng mga indibidwal na parangal ang Green at Lady Woodpushers.
Nagkamit ng gintong medalya si Magpily sa unang board at pilak na medalya si Olendo sa ikalimang board.
Nakapag-uwi rin ng tansong medalya sina Cy. Telesforo sa ikalawang board, Sadey sa ikatlong board, Valencia at Ch. Telesforo sa ikaapat na board, at Evan Ong sa ikalimang board.