
SININDAK ng De La Salle University (DLSU) Green Batters ang Adamson University Baseball Team, 14–7, sa kanilang ikalawang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Abril 6.
Nalasap ng Berde at Puting koponan ang mapait na simula matapos magtala ng limang magkakasunod na error upang isuko ang unang bahagi ng bakbakan, 0–2.
Bigo ring makapuntos ang taga-Taft nang ipamalas ng mga nakaasul ang matatag na depensa sa ikalawang inning sa kabila ng mga hampas ni Green Batter Pio Villamiel sa strike zone, 0–2.
Natagpuan naman ng DLSU ang ritmo at nadakip ang kalamangan pagdako ng ikatlong inning matapos ang magkasunod na single nina Marco Flores at Liam De Vera, 3–2.
Agad namang bumuwelta ang Soaring Falcons at inagaw ang angat kontra sa depensang ipinamalas ng Taft-based squad sa ikaapat na inning, 4–3.
Hindi naman nagpatinag ang luntiang kampo nang magsalaksak ng tumataginting na anim na home run sa ikalimang inning, 9–5.
Sinubukan ng mga palkon na habulin ang talaan nang makausad sa home base sa ikapitong inning, ngunit hindi pa rin ito naging sapat upang tibagin ang puwersa matapos muling maglusong ng limang puntos ang mga manunudla, 14–6.
Gayunpaman, nanatiling matatag ang mga taga-San Marcelino nang sunggaban ang huling puntos sa pagtatapos ng ikasiyam na inning, subalit kinapos pa rin ang kanilang tikas para habulin ang walong puntos na lamang ng Taft, 14–7.
Bitbit ang 5-2 panalo-talo kartada, tatangkaing dagitin ng Green Batters ang Ateneo de Manila University Baseball Team sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. sa darating na Miyerkules, Abril 9.