
PUMAIBABAW ang De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers sa pagtatapos ng University Athletic Association of the Philippines Women’s Blitz Chess Tournament elimination round matapos igapos ang Adamson University Women’s Chess Team, 4.0–0.0, at Ateneo de Manila University Women’s Chess Team, 2.5–1.5, sa Adamson Gym, Abril 2.
Pagsupil sa sariling teritoryo
Purong dominasyon ang ipinamalas ni Kapitana Francois Magpily kontra San Marcelino-based player Mariane Flora sa apat na laban gamit ang scandinavian defense, 1.0–0.0.
Hindi rin nagpadaig sa ikalawang board si sophomore Rinoa Sadey sa bisa ng pagdaluhong sa nakaasul na si Phoebie Arellano sa lahat ng laban, 2.0–0.0.
Dinagdagan pa ni Lady Woodpusher Checy Telesforo ang sakit ng ulo ng San Marcelino mainstays nang lampasuhin sa apat na match si Robelle De Jesus, 3.0–0.0.
Tuluyang sinelyuhan ni Arena Grandmaster Sara Olendo ang tagumpay nang manaig kontra Adamson player Angela San Luis sa tatlong laban at isang tabla, 4.0–0.0.
Pagdaig sa karibal
Tabladong talaan ang bumungad kay Magpily sa unang laban kontra Ateneo player Lexie Hernandez, subalit nagising din ang diwa ng nakaberde at isinukbit ang tatlong nalalabing tagisan, 1.0–0.0.
Urong-sulong naman ang naging eksena ni Sadey matapos itabla ang una at ikalawang laban kay Loyola mainstay Elayza Villa, manaig sa ikatlo, at yumukod sa ikaapat upang makapag-ambag ng kalahating marka, 1.5–0.5.
Pumukol ng malakas na panimula si Telesforo at sinulot ang unang laban kontra sa nakaasul na si Kristine Flores, ngunit bahagyang tumamlay nang itabla ang ikalawa at isuko ang ikatlo, bago tuluyang buhayin ang loob at isukbit ang tagumpay sa huling salpukan, 2.5–0.5.
Nakasikwat man ng panalo sa ikalawang tapatan, bigong ipagpatuloy ni Olendo ang momentum kontra sa pambato ng Loyola na si Jiessel Marino, 2.5–1.5.
Tuon sa mithiin
“Mas relax kami [at] mas peaceful yung ambience namin right now kahit na mabigat ‘yung kalaban namin,” kalmadong pahayag ni DLSU Team Captain Magpily sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa naging susi sa kanilang tagumpay ngayong araw.
Dala ang alaala ng sinapit sa Rapid Chess, ibinahagi ni Magpily sa APP na ang pagiging kompleto ng kanilang koponan ngayong Blitz ang isa sa mga magiging bentahe nila sa pagpasok sa crossover.
“Mind conditioning pa rin, kailangan ng pahinga, and nandoon pa rin dapat ‘yung grit and ‘yung mindset na kakayanin naming tapusing champion ‘yung team,” determinadong pagwawakas ni Magpily sa panayam ng APP.
Bitbit ang sampung match point, tumungtong ang Lady Woodpushers sa unang puwesto at nakatakdang haraping muli ang Ateneo Women’s Chess Team sa crossover round sa parehong lugar sa darating na Sabado, Abril 5.