
WINALIS ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang ikinalat na balahibo ng kanilang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25–21, 25–17, 25–20, sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 sa Smart Araneta Coliseum, Abril 2.
Nagsilbing utak sa pagsalakay sa pugad ng mga agila si playmaker Mikole Reyes tangan ang 19 na excellent set, apat na excellent dig, at isang atake.
Umagapay rin si Kapitana Angel Canino bitbit ang 16 na atake, anim na excellent reception, at pitong excellent dig.
Inakay naman ni Blue Eagle AC Miner ang bughaw na koponan dala ang 13 puntos mula sa 12 atake at isang block.
Agad na nagpalitan ng mga atake sina Canino at Ateneo Team Captain Lyann De Guzman upang buksan ang tapatan, 8–all, hanggang sa napuwing ang Loyola mainstays sa sarili nilang balahibo nang malugod na tinanggap ni DLSU middle blocker Lilay Del Castillo ang regalong ipinamigay upang kabigin ang unang set, 25–21.
Nagpaliyab naman ng 4-0 run ang luntiang koponan sa pangunguna ni middle blocker Amie Provido upang palamlamin ang mainit na palitan ng puntos, 12–8, bago selyuhan ni opposite hitter Shevana Laput ang ikalawang yugto sa bisa ng umaatikabong down-the-line na atake, 25–17.
Mabilis na pinalawig ng Loyola-based squad ang kanilang kalamangan matapos bumomba ng puntos mula sa iba’t ibang puwesto ng kort na pinangunahan ng agilang si Zey Pacia, 4–7, subalit nagpatuloy ang pamamayagpag ng Lady Spikers nang wakasan ni Kapitana Canino ang salpukan sa bisa ng drop ball, 25–20.
Tangan ang 7–3 panalo-talo baraha sa torneo, tatangkaing supilin ng Lady Spikers ang hanay ng University of the East Lady Warriors sa parehong lunan sa ika-3:00 n.h. sa Sabado, Abril 5.