
BINULABOG ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang pugad ng karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 21–25, 25–18, 21–25, 25–22, 27–25, sa kanilang ikalawang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 2.
Itinanghal na Player of the Game si birthday boy Noel Kampton nang magsumite ng 27 puntos mula sa 23 atake, tatlong ace, at isang block.
Sumaklolo rin si open hitter Vince Maglinao matapos magrehistro ng 22 puntos mula sa 20 atake at dalawang block.
Inakay naman ni Blue Eagle Kennedy Batas ang mga agila matapos magpakawala ng 26 na atake.
Bigong pigilan ng Taft mainstays ang pagratsada ng Ateneo matapos magpakawala ng mga solidong tirada upang selyuhan ang kalamangan, 18–21, bago tuluyang tinuldukan ng mga agila ang set sa bisa ng backrow attack ni veteran Jian Salarzon, 21–25.
Naaninag naman ng Berde at Puting koponan ang liwanag pagdako ng ikalawang set matapos ang 9-1 run sa pangunguna nina Taft Tower Rui Ventura at Nath Del Pilar upang igapos ang mga pakpak ng karibal, 25–18.
Sumalamin sa Green Spikers ang bangungot ng unang set matapos ang maagang pag-arangkada ng Loyola-based squad gamit ang through-the-block hit ni opposite hitter Batas sa kabila ng tangkang pagtaguyod ni open spiker Kampton, 25–21.
Maagang ipinamalas ng mga agila ang kanilang pag-alpas matapos magsalaksak ng mga solidong tira si Salarzon pagtungtong ng ikaapat na yugto, 16–19, ngunit sumilay ang pag-asa sa mga taga-Taft nang umukit si veteran Vince Maglinao ng crosscourt hit na sinundan ng panapos na atake ni middle blocker JJ Rodriguez, 25–22.
Madilim na ruta ang bumungad sa dalawang koponan sa decider set nang bigo nilang maisarado ang sagupaan, 14–all, subalit pumundar ng crucial points sina off-the-bench player Uriel Mendoza at opposite hitter Fortuna upang tuluyang selyuhan ang panalo para sa mga taga-Taft, 27–25.
Baon ang 6-4 na panalo-talo na baraha, kahaharapin ng DLSU ang University of the East Red Warriors sa parehong lunan sa ika-11:00 n.u. sa Sabado, Abril 5.