
NAKALIGTAS ang De La Salle University (DLSU) Green Batters laban sa mapanghamong hanay ng University of the Philippines (UP) Baseball Team sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Abril 2.
Matapos ang matumal na kampanya sa unang dalawang inning, sinuong ni Green Batter Agon De Vera ang hamong hatid ng Diliman-based squad sa ikatlong bahagi upang bitbitin si Ezy Bautista pabalik sa home base, 1–0.
Subalit, nangarag ang momentum ng luntiang hanay sa ikaapat na inning matapos makabalik si UP player Aaron Niracha sa home sa tulong ni Ian Mercado, 1–all.
Isang serye ng matatag na depensa ang ipinamalas ng Berde at Puting koponan sa ikaanim na inning upang makabuwelta si De Vera sa home, 2–1, bago sinamantala ni Green Batter Joseph Alcontin ang naitalang error ng mga Isko, 3–1.
Natagpuan ng UP ang kanilang ritmo matapos itabla ang laban sa ikapitong inning buhat ng dalawang home run, 3–all, hanggang sa nanaig ang mga Isko sa bisa ng run batted in mula kay Nicha, 3–4.
Muling sumubok ang Taft-based squad at sinamantala ang pagbalik ni Jomar Villacruz sa home base upang muling itabla ang salpukan, 4–all.
Pinagtibay ng mga taga-Taft ang kanilang mga taktika sa ikasiyam at huling inning upang selyuhan ni Peter Nonaillada ang kanilang tagumpay, 5–4.
Tangan ang panalo-talo kartadang 4–2, susubukang harapin ng Green Batters ang Adamson University Baseball Team sa parehong lunan sa ika-10:00 n.u. sa Linggo, Abril 6.