DLSU Lady Tennisters, natumpak ang huling bitiw ng pana

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

NAMAYANI ang kampo ng De La Salle University (DLSU) Lady Tennisters matapos panain ang Ateneo de Manila University Women’s Tennis Team, 4–1, sa huling bahagi ng kanilang kampanya sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 30.

Maagang kumaripas ang Lady Tennisters nang utakan ni Jam Madis ang unang sagupaan sa magkakasunod na ace shot dahilan upang hindi na makapuntos ang katunggaling si Raizel Coco, 6–0, 6–0. 

Hindi rin nagpahuli si DLSU Team Captain Maikee Vicencio na buwagin ang bawat tirada ng kinatawan ng Loyola Heights na si Althea Martirez, 6–1, 6–0.

Naitaguyod naman ng tambalang Amor Idjao at Precious Miranda ang nasimulang momentum ng kampo ng DLSU matapos lusubin sina Adrianna Cabahug at Aubrey Ruiz, 6–2, 6–1.

Naging maagap din sa pagbibitaw ng alas ang magkasanggang sina Arianne Nillasca at Althea Liwag sa pagpapataob sa kanilang katunggaling sina Zaina Omar at Angela Byante para patibayin ang tikas ng luntiang pangkat, 6–1, 6–1.

Sa kabila ng nasimulang momentum ng DLSU, pumiglas ang beteranang si Bea Gomez sa hindi nagkakalayong talaang inabot ng mahigit dalawa’t kalahating oras laban kay Chelsea Roque, 4–6, 5–7.

Matapos pagtagumpayan ng Taft-based squad ang huling yugto ng torneo, ibinahagi ni Liwag ang galak sa pagkamit ng kanilang inaasam sa pagtatapos ng torneo.

Isinaad ni Liwag sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, “Importante talaga ang game na ‘to since Ateneo is our rival. Kailangan 100% talaga ang ibibigay namin dahil every point counts to bring up our school. Kaya inilaban talaga namin ‘tong game na ‘to hanggang dulo. We did everything not just for ourselves, but most especially for the school.” 

Umukit ng 2-6 panalo-talo kartada ang DLSU Lady Tennisters sa pagtatapos ng kanilang pakikipagsalpukan sa naturang torneo.