
NASUNGKIT ng De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers ang ikatlong gantimpala sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Women’s Rapid Chess Tournament matapos mabitin sa match point sa tabladong talaan kontra Far Eastern University (FEU) Women’s Chess Team sa crossover round, 2.0–all, at supilin ang University of Santo Tomas (UST) Female Woodpushers sa battle-for-third match, 3.0–1.0, sa Adamson University Gym, Marso 29.
Kinapos na pag-asinta
Dinomina ni Kapitana Francois Magpily ang pambato ng Morayta na si Glysen Derotas matapos magtagumpay sa dalawang match upang kunin ang bentahe, 1.0–0.0.
Yumukod naman si Taft-based player Lovely Geraldino sa dalawang match kontra FEU player Mhage Sebastian na nagtabla sa serye, 1.0–all.
Parehong kapalaran din ang sinapit ni Taft mainstay Rinoa Sadey sa kaniyang pakikipagtuos sa taga-Morayta na si Franchesca Largo, 1.0–2.0.
Tangan ang hangaring ibulsa ang tiket patungong Finals, umukit ng tagumpay si Lady Woodpusher Checy Telesforo sa unang match kontra Morayta-based player Joyce Rueda at itinabla naman ang ikalawang match upang muling neutralisahin ang talaan, 2.0–all.
Gayunpaman, napasakamay ng mga tamaraw ang tagumpay bunsod ng kalamangan sa kabuoang match point, 3.5–5.5.
Sinag sa makulimlim na kahapon
Bitbit ang hangaring iuwi ang tansong medalya, agad na sinelyuhan ni Sadey ang bentahe matapos lampasuhin si España-based player Faith Tabungar sa dalawang match, 1.0–all.
Naudlot ang pagsalakay ni Magpily sa unang laban kontra Jamaica Lagrio, ngunit agad na bumawi sa ikalawang match sa bisa ng masigasig na paggitgit sa katunggali, 1.5–0.5.
Magkamukhang eksena ang ipinamalas ni Telesforo matapos madehado ng bishop sa unang match laban kay España mainstay Princes Oncita, subalit isinukbit din ang ikalawang tagisan, 2.0–1.0.
Pantay na iskor naman ang bumungad sa salpukan nina Taft mainstay Lovely Geraldino at UST player Rohanisah Buto, ngunit tuluyang napundi ang pag-asa ng tigre nang maging agresibo sa ikalawang laban, 3.0–1.0
Panatag na panapos
Matapos ang pagkatalo sa crossover round sa kabila ng pangunguna sa eliminations, hindi naikubli ni Magpily sa Ang Pahayagang Plaridel ang kalungkutan ng koponan sa resulta ng torneo.
Sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya sa battle-for-third match, inilahad ni Magpily kung paano isinaisip ng Lady Woodpushers ang pagtuon sa pagmamahal sa isport, pagbibigay ng makakaya, at pagtanggap ng anomang resulta.
Dagdag pa ni Magpily sa pagtatapos ng kanilang kampanya bilang bronze medalists, “Overall satisfied pa rin naman kami sa outcome kasi at least, nasa podium pa rin kami.”
Lalarga muli ang Taft mainstays sa panibagong UAAP Blitz Chess Tournament sa parehong lugar sa ika-10:00 n.u. bukas, Marso 30.